DUMAGUETE City – Sinandigan ni Chloe Sophia Laurente ng Ormoc City ang kanyang mapait na karanasan na halos malunod sa idinulot na pagbaha ng Bagyong Yolanda noong 2013 tungo sa pagiging kampeon at pagwawagi ng apat na gintong medalya sa 2017 Batang Pinoy Visayas qualifying leg dito sa Lorenzo Teves Memorial Aquatic Center.
“Muntik po kasi kami noon malunod noong nagbaha sa lugar namin dahil sa Bagyong Yolanda kaya ang ginawa po sa amin ng mga magulang namin ay pinaturuan nila kami na lumangoy ng kapatid ko,” sabi ng 12-anyos at Grade 7 sa Ormoc National High School na si Laurente.
Ang masamang karanasan ay nagtulak kay Laurente ng Ormoc City na mag-aral at matutong lumangoy dahil sa naranasan na muntik na malunod dahil sa naganap noon na matinding pagbaha na dulot ng super typhoon Yolanda at tungo sa pagiging isa sa mga batang multi-medallist sa isang linggong torneo.
Nagwagi si Laurente sa girls 12 & under 200m individual medley (2:49.38), 50m backstroke (35.18), 100m butterfly (1:16.71) at 50m butterfly (33.60).
Ang apat na gintong medalya ang pinakauna naman ni Laurente mula nang sumali sa aktibong kompetisyon kung saan tatlong beses itong nakasali sa Palarong Pambansa ngunit nabigong makapagwagi ng medalya habang una nito sa paglahok sa Batang Pinoy.
Tinanghal na may pinakamaraming inuwi na limang ginto ang 12-anyos na si Kyla Soquilon ng Aklan matapos na huling magwagi sa girls 13-15 100m backstroke (1:11.99), 50m butterfly (31.57) at 200m medley relay (2:25.75). Una itong nagwagi sa 200m individual medley (2:39.60) at 50m backstroke (33.58). Tangi itong nabigo sa 200m backstroke.
May apat na ginto rin si Gabriel Manigque ng Tagbilaran City na nagwagi sa boys 13-15 400m freestyle (4:36.66), 100m backstroke (1:07.88), 50m backstroke (31.17) at 200m backstroke (2:27.41).
Asam naman ng 14-anyos na si Manigque, na varsity athlete sa University of the East Manila, na mapabilang sa pambansang koponan kung kaya sinasalihan nito ang lahat ng mga malalaking torneo tulad ng Batang Pinoy na inorganisa mismo ng Philippine Sports Commission.
“Nais ko po maging national swimmer at matupad ang ambisyon ng tatay ko na si Godofredo,” sabi ng 6-foot-2 na si Manigque na huling sumabak sa Antique Palarong Pambansa at nakapagwagi ng medalya sa 4×50 butterfly at relay.
Itinala ni Jerish John Velarde mula sa Lapu-Lapu City ang perpektong paglalaro sa loob ng pitong round sa blitz at rapid events ng chess upang pangunahan ang iba pang kabataan na nagwagi ng maraming gintong medalya.
Binigo ng 11-anyos at Grade 5 student sa Mary Erustine School na si Velarde ang lahat ng kanyang pitong kalaban sa blitz gayundin sa rapid event tungo sa pag-uwi sa unang pagkakataon ng dalawang gintong medalya makalipas ang tatlong taon na paglahok sa grassroots sports program na Batang Pinoy.
“Tanging bronze lang po ang naipanalo ko sa Batang Pinoy noon. Nagpapasalamat po ako nanalo ako ng gold,” sabi ni Velarde na tinanghal din na gold medalist sa Asean Youth Chess Championships.