MULING pinatunayan ng Kapuso singer-comedian na si Nar Cabico ang kanyang superb talent sa pagkanta at pagpapatawa.
Multi-talented kasi talaga si Nar, na unang nakilala matapos tanghaling grand winner sa reality talent show ng GMA na Superstar Duets hosted by Jennylyn Mercado.
Pinasaya at nakapagbigay ng inspirasyon si Nar sa napakaraming Pinoy nang mag-guest siya sa huling pisode ng radio/TV show na #ShowbizLive (aired every Wednesday, 8 p.m. sa Radyo Inquirer 990, Inquirer.net at Bandera Facebook pages) with main host Ervin Santiago and yours
truly.
Kilala bilang komedyante itong si Nar, at madalas ding makasama ng entertainment media dahil madalas ay siya ang nagho-host sa mga presscon para sa mga show ng GMA noon.
Nag-promote si Nar sa #ShowbizLive ng kanyang first single, ang hit na hit na ngayon, lalo na sa mga millennial na “GAGA” produced by one of his BFF na si Jennylyn Mercado na nag-number one na rin sa Spotify recently.
Sobrang sayang kausap ni Nar kaya talagang maraming nagulat din nang ibahagi niya ang kanyang pinagdaanan bago niya narating ang estado niya ngayon.
Nagsimula siya bilang isang theater actor, aniya napanood lang siya ng mga boss ng GMA 7 noon sa isang dula.
“Pagkapanood nila sa akin, pagtingin nila sabi parang gusto kong ipag-audition so na-sign ako for Artist Center. Nagsimula po ang acting career ko sa TV sa Beautiful Strangers ni Ms. Lovi Poe, ako yung assistant niya.
“Ang nangyari nasa Bicol pa ako noon, sabi kung pwede ba akong mag-audition bukas? So from the airport pumunta ako ng GMA, wala akong alam, pinapunta ako ng cubicle. Pinagbasa ako ng script. Kineri ko naman, ginalingan ko talaga. Tapos sabi o bukas na (ang taping). Ganu’n kadali,” kuwento pa ni Nar.
Ang sumunod niyang serye ay ang Pinoy version ng Koreanovelang My Love From The Star kung saan gumanap siyang assistant ni Jennylyn. Ngayon ay makakasama naman siya sa bagong offering ng GMA ang The One That Got Away starring Dennis Trillo, Rhian Ramos, Lovi Poe and Max Collins. Ang kanta niyang “GAGA” ang isa sa magiging official theme song ng serye.
Naging OFW din si Nar. Kuwento niya, muntik nang hindi matuloy ang kanyang career sa showbiz dahil noong nag-OJT siya sa isang private company ay inoperan agad siya ng trabaho.
“Pero hindi ako masaya pagkakuha ko ng trabaho. Naglalakad ako dito sa Makati, sa may Poblacion tapos, tinawagan ko si Nanding Josef ng CCP, sabi ko ‘Tatang parang hindi ko kaya, parang pang-theater talaga ako. Kunin mo ko. So kinuha niya ko tapos doon sa isang ka-theater ko nangailangan ng singer sa banda. The next thing I know nasa Jakarta na ako. Kumakanta na. I did that for almost six years. Six nights a week ako,” kwento niya.
Pinaka-memorable daw na experience niya sa Jakarta ay noong nag-stay sa hotel na pinupuwestuhan ng kanyang banda ang Hollywood star at bida sa “Thor: Ragnarok” na si Chris Hemsworth na nakakuwentuhan pa raw niya at panay request ng kanta ni Adele.
Musika rin ang bumuhay sa kanya sa mga panahong walang-wala na siya na umabot pa sa puntong nangatok na siya sa mga pinto ng kanyang nga kakilala para manlimos ng trabaho.
“My parents were…TNT sila. Naloko kasi sila, nagoyo sa negosyo kaya walang nagpapadala sa akin (ng pera). So 16 lang ako noon, yung gitara kong dala wala pang saksakan. Paikot-ikot ako sa Malate, nangatok ako. ‘Excuse me kailangan n’yo po ba ng singer? Batang payat at kulot tapos tinatawanan nila ako,” kuwento pa ni Nar.
Meron naman daw sumalo sa kanya na isang restaurant that time kaya nabigyan siya ng trabaho pero, “Nagsimula ako P300 per night. E, nalugi sila, gusto na nila ako umalis, napapayag ko sila P100 per night. So ‘yun ang pinakamababang TF ko sa tanang buhay ko. Three sets, three hours per set matatapos ako ng 3 a.m.. Tapos may pasok pa ko sa school ng 7 a.m.!” dagdag pa niya.
Very proud siya sa dinanas niyang paghihirap dahil kahit na ganoon ang nangyari sa kanya, naging Dean’s Lister pa siya sa college. O, di ba? Tunay namang nakaka-inspire ang humble beginnings ni Nar.
Back to his music, bukod sa top trending na “GAGA” na pati si Songbird Regine Velasquez ay sobrang na-impress, ay marami pang nakalinyang kanta si Nar na balak niyang i-compile sa isang album. Pinatikim niya sa amin at sa listeners/viewers ng #ShowbizLive ang isa pa niyang composition na “Kapit Lang.”
Tagos sa puso ang kantang ito kaya naman hindi namin napigilan ni Sir Ervin ang maiyak habang kinakanta niya ito. Iba raw ang satisfaction na nararamdaman niya kapag alam niyang maraming nai-inspire sa kanta niya.
May isa pa nga raw netizen na HIV positive ang nagpakilala sa kanya at nagsabing muntik na siyang magpakamatay ngunit nagbago ang isip niya nang marinig ang kantang ginawa niya noon at ipinost sa social media para sa mga taong nawawalan na ng pag-asa sa buhay.
Payo pa ni Nar sa mga taong inaatake ng matinding depression? “Huwag! Sayang. Ang sarap uminom, ang sarap magmahal, ang sarap kumanta at ang sarap ng macaroni salad!”
Nang nagpapasalamat na ang Kapuso comedian sa listeners at viewers ng #ShowbizLive, naging emosyonal na si Nar, “Ano to, naiiyak ako! Ha-hahaha. Masarap siyang pakiramdam. I wouldn’t want to be anywhere else.”
By the way, super happy din ang lovelife ni Nar lalo na at tanggap na tanggap ng kanyang pamilya ang husband niya. Sobrang thankful at full of love rin siya lalo na’t tanggap na tanggap siya ng kanyang tatay na isang tigasing sundalo.
“Six years na kami sa May, and I’m still in love like it’s still love,” aniya pa.
Nasa Amerika ngayon ang asawa niya, na nag-udyok din kay Nar upang gumawa ng kanta tungkol sa malayuang relasyon, ang “LDR” na ang ibig sabihin ay “Layong Di Ramdam” (not long distance relationship). Kasi hindi raw niya feel ang distance ng kanilang pagmamahalan.
First time rin niyang kinanta on air ang chorus ng “LDR” sa #ShowbizLive, next year pa raw niya ito iri-release kaya ‘yan ang abangan nating lahat.
Quickie Talk with Nar Cabico
Bedroom or comfort room? Bedroom
Drama or comedy? Comedy
Chakang intelligent o gwapong bobito? Chakang intelligent
Butt or abs? Butt
Unang ginagawa pagkagising? Dilat ng mata! Ha-hahaha! Tapos cellphone.
Ginagawa bago matulog? Secret! Ha-hahaha! Alam n’yo na ‘yun guys! #pampatulog! Ha-hahaha!
Adik na adik ako ngayon sa? Music
Gustong-gusto kong mag-_____ sa gabi? Mag-#pampatulog. Same answer! Ha-hahaha!
Kung ulam ka ano ka? Isa akong Adobong Manok.
Paborito mong hugot line? Huwag mong pilitin…kung di sa ‘yo, hindi sa ‘yo!
3 sexiest men in showbiz? Mikael Daez, Sancho delas Alas at dahil bestfriend ko siya at nag-shower siya sa TV, si Gerald Napoles.
3 pinakamabait at totoong taong nakilala mo sa showbiz? Jennylyn Mercado, Lovi Poe at Direk Mario J. Delos Reyes.
Kung bibida ka sa teleserye sino ang gusto mong sampalin? Wala. Ako na lang ang sampalin nila, kasi bida, di ba?
Yes or no…nagrebelde ka na ba? Maliliit na pagrerebelde lang, you know bata pa ‘ko nu’n.
Kung bibigyan ka ng powers anong una mong iso-solve na problema sa Pilipinas? TRAPIK! Grabe na kasi talaga!
Ano ang una mong sasabihin kapag nagkita kayo ni Duterte? Ngano man. Ngano.