Laro sa Huwebes
(Araneta Coliseum)
3:30 p.m. Lyceum vs San Beda
(Game 2, best-of-3 Finals)
INANGKIN ng nagtatanggol na kampeong San Beda College ang unang panalo matapos na ipalasap ang unang kabiguin sa Lyceum of the Philippines University, 94-87, sa Game One ng NCAA Season 93 best-of-three men’s basketball Finals kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Binalewala ng Red Lions ang pagkakaiwan sa 12 puntos sa simula ng ikatlong yugto, 57-45, bago nito unti-unting hinabol ang mga Pirates sa paghulog ng 19-3 atake upang agawin ang abante, 64-60, tungo na sa pagsungkit sa panalo na naglapit dito sa asam na kabuuang ika-21 korona.
Huling nagtabla sa ikaanim na pagkakataon ang laban sa 80-all bago ibinigay ni Javee Mocon ang abante sa split free throw at follow-up sa huling dalawang minuto ng laro, 83-80.
Lumapit ang Pirates, na galing sa 18 sunod na pagwawagi sa eliminasyon, sa 82-83 subalit naghulog ng isang tres, tatlong free throws at layup si Robert Bolick para sa walong sunod nitong puntos upang siguruhin ang panalo para sa Red Lions.
“I still stick to the brand that we are still the underdog. It’s not yet done. We still have to win one more game. The heart of LPU is big but the heart of my players is big as well. We are so happy to get this one,” sabi ni San Beda coach Boyet Fernandez.
Pinamunuan ni Donald Tankoua ang San Beda sa itinalang 27 puntos, 20 rebound at dalawang
assist habang si Bolick, na naghulog ng 11 puntos sa ikaapat na yugto, ay may natipong 24 puntos, apat na rebound, dalawang assist at isang block.
Nag-ambag si Davon Potts ng 15 puntos at apat na rebound habang si Mocon ay may 11 puntos, 9 rebound, 2 assist at 3 blocks.
Samantala, nagtala ng upset ang La Salle Greenhills matapos na maungusan ang nagtatanggol na kampeong Mapua, 74-68, sa juniors dvisison.
Inihulog ni Joshua David ang siyam sa kanyang kabuuang 17 puntos sa ikatlong yugto upang tabunan ng Greenies ang kasalukuyang kampeon na Red Robins, 26-15.
Nakatakda ang Game Two sa Huwebes kung saan asam ng LSGH na tuluyang iuwi ang panalo na magbibigay dito sa pinakauna nitong korona sa NCAA sapul na kinilala ang eskuwelahan noong 1959.
Huling nagwagi ang La Salle ng korona sa NCAA juniors noong 1955-56 season bagaman ang high school campus ay nasa Taft Avenue.