Pulis, baby patay; 6 pa sugatan sa NPA ambush

Nasawi ang isang pulis at 4-buwang sanggol habang anim pa katao, kabilang ang isang hepe ng pulisya, ang nasugatan sa pananambang ng mga kasapi ng New People’s Army sa Talakag, Bukidnon, Huwebes ng hapon, ayon sa mga otoridad Biyernes.
Nasawi si SPO3 Arnel Carillo at ang sanggol na si Machorao Malysha, na nagtamo ng tama ng bala sa noo, sabi ni Supt. Lemuel Gonda, tagapagsalita ng Northern Mindanao regional police.
Kabilang sa mga sugatan si Insp. Joven Acuesta, hepe ng pulisya sa Amai Manabilang, Lanao del Sur; SPO1 Pacifico Cabudoy, at PO1 Nathaniel Ibal, na pawang mga kasama ni Carillo sa patrol vehicle, ani Gonda.
Sugatan din ang mga babaeng sina Ali Citi, 53, at Ali Aminsalam, 37; at isang Alexander Maniscan, na pawang mga kasama naman ng nasawing sanggol sa isang Toyota Fortuner (UNI-707), aniya.
Nagtamo sina Citi at Aminsalam ng mga tama ng bala sa dibdib at kanang braso, ayon sa pagkakasunod.
Tinambangan ng mga rebelde ang patrol vehicle sa Km. 28, Brgy. Tikalaan, dakong alas-5:30, ani Gonda.
Galing si Acuesta at kanyang mga tauhan sa isang conference sa kanilang provincial headquarters sa Marawi City nang sila’y tambangan, sabi ni Senior Insp. Jemar delos Santos, tagapagsalita ng Autonomous Region in Muslim Mindanao police, na namamahala sa mga alagad ng batas sa Lanao del Sur.
“Babalik na sana sila sa area nila nung ma-ambush ng alleged NPA… may isang civilian car with eight persons na nakasunod sa kanila, nadamay,” sabi ni Delos Santos nang kpanayamin sa telepono.
“May dalawang way na papunta sa Amai Manabilang, umiwas sila dun sa isang daan for security reasons kaya dumaan sa Talakag,” aniya, nang tanungin kung bakid dumaan sa Bukidnon sina Acuesta.
Unang napaulat na nawawala sina Carillo, Cabudoy, at Ibal matapos ang pananambang, sabi pa ni Delos Santos.
Dinala na ang lahat ng nasugatan sa mga ospital sa Bukidnon at Cagayan de Oro City, sabi naman ni Gonda.
Kinukundena ng ARMM regional police ang insidente at tutulong para mabigya ng hustisya ang mga biktima, ani Delos Santos.
“We are also appealing to the public to share any information about the attackers, if they have any,” aniya pa.
Noong Okt. 3, nasugatan naman ang dalawang banyaga at kanilang Pilipinong driver nang madamay din ang kanilang sasakyan sa isa ring pananambang ng NPA sa mga pulis, sa Cauayan, Negros Occidental.

Read more...