DUMAGUETE City – Isa sa mga pinakaunang dumating na local government unit dito ang nagtatanggol na kampeong Cebu City para lumahok sa 2017 Batang Pinoy Visayas Leg na isasagawa Nobyembre 10 hanggang 16 sa iba’t-ibang lugar ng Negros Oriental.
Kabuuang 2,504 na ang mga kabataang lalahok sa ikalawang yugto ng qualifying leg para sa mga kabataang out-of-school youth gayundin sa mga estudyante mula sa 43 LGUs ang nagkumpirma ng paglahok sa torneo kung saan paglalaban ang 2,731 gintong medalya mula sa 19 na paglalabanang sports.
Mismong si Senador Juan Miguel Zubiri kasama si Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William Ramirez ang magbibigay inspirasyon sa opening ceremony na nakatakda ngayong alas-4 ng hapon sa Lamberto Macias Sports and Cultural Center.
Ang 19 na paglalabanang sports ay ang archery, arnis, athletics, badminton, baseball, basketball, boxing, chess, dancesports, karatedo, lawn tennis, pencak silat, sepak takraw, softball, swimming, table tennis, taekwondo, volleyball at beach volleyball.
Pinakamarami ang ipinadalang atleta ng Cebu City sa kabuuang 280 habang kasunod nito ang host Dumaguete City na may 213. Ang minsan din naging qualifying leg champion na Cebu Province ay ikatlo sa may pinakamaraming ipinadala na 208.
Ikaapat ang Iloilo City na may 169 at ikalima ang Bacolod City na may 169. Ang Bayawan City ay may 111 atleta habang ang La Carlota City ay may 110 kalahok.
Ang mga magwawagi ng ginto, pilak at tansong medalya ay makakapagkuwalipika naman sa Batang Pinoy National Finals na nakatakdang gawin sa Pebrero 2018.
Huling gagawin ang Batang Pinoy Mindanao qualifying leg sa Oroquieta City sa hindi pa naitatakdang araw at buwan ng ahensiya.
Umaasa naman ang PSC na muli silang makakahanap at makakadiskubre ng mga bagong talento at mga kabataan na posible nitong maisasama sa inaasam na bubuuin na pool of promising talents na hahanapin naman ng mga eksperto mula sa Philippine Sports Institute (PSI).