Mga Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
1 p.m. San Beda vs St. Benilde (juniors semis)
3:30 p.m. San Beda vs San Sebastian (seniors semis)
ISA ang maiiwan sa pagitan ng nagtatanggol na kampeong San Beda Red Lions at San Sebastian Stags sa pag-aagawan sa ikalawa at huling Finals seat sa ikalawang knockout match sa step-ladder semifinals ng NCAA Season 93 men’s basketball tournament ngayong hapon sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Una munang magsasagupa ang San Beda Red Cubs at ang St. Benilde Baby Blazers sa sarili nitong sagupaan sa semifinals bago ang tampok na salpukan sa pagitan ng No. 2 seed Red Lions at Stags na galing sa knockout game kontra Letran Knights at Jose Rizal University Heavy Bombers.
Ang magwawagi sa pagitan ng Red Lions at Stags ay masusungkit ang karapatan para sagupain ang nauna nang nag-okupa ng silya sa best-of-three na kampeonato na Lyceum of the Philippines University Pirates. Matatandaan na winalis ng Pirates ang 18 nitong laro sa eliminasyon upang dumiretso sa finals.
Lubhang nakapahinga ang Red Lions na pilit ipapagpag ang kalawang mula sa 19-araw na bakasyon habang ang Stags ay sasakyan ang momentum sa pares ng pisikal na panalo na una sa playoff kontra Knights, 74-69, noong Oktubre 20 at kontra No. 3 seed Heavy Bombers, 85-73, noong Oktubre 24.
Inaasahang hindi lamang magiging maigting ang labanan sa pagitan ng Red Lions at Stags na kapwa pisikal sa laro at sanay sa mahigpitang depensa kundi madadagdagan pa ng emosyon sa pagitan ng pagpapalitan ng maanghang na salita nina San Beda coach Boyet Fernandez at San Sebastian coach Egay Macaraya at player Michael Calisaan.
Una ang San Beda sa depensa sa paglilimita sa kalaban hanggang sa 65.8 puntos habang ang San Sebastian ay nasa ikatlong puwesto sa 70.2 average.
“We all know San Beda plays really hard defense, same with us,” sabi ni San Sebastian coach Egay Macaraya.
Mataas din ang emosyon sa pagitan ng dalawang koponan sa muling paghaharap matapos ang naganap na palitan ng salita kung saan tinawag ni Fernandez na ‘dirty player’ ang manlalaro ng San Sebastian na si Calisaan sa kanyang “dirty plays,” na hindi sinang-ayunan ni Macaraya.
“I have no problems with him (Fernandez), I’m just defending my player (Calisaan),” sabi ni Macaraya.
“We would like to focus on the game and give more concern on how we could preserve our tradition at San Beda,” ayon naman kay Fernandez na asam ang ika-12 sunod na pagtuntong sa Finals.
Ang tinutukoy ni Fernandez ay ang hawak na tradisyon ng Red Lions simula pa noong 2006 kung saan nagawa nitong tumuntong sa finals ng 11 diretsong taon at nakapagwagi ng siyam na kampeonato.
Ang tanging taon na hindi nauwi ng Red Lions ang korona ay noong 2009 kung saan ang “Pinatubo Three” nina Calvin Abueva, Ian Sangalang at Ronald Pascual ang naghatid sa Stags sa kampeonato at noong 2015 kung saan nagwagi naman ang giniyahan ni Aldin Ayo na Knights sa korona.