KUMPARA sa ga-pagong sa kabagalan ng rehabilitasyon ng mga lugar na winasak ng bagyong Yolanda noong 2013, optimistiko ang karamihan na magiging mabilis ang muling pagbangon ng Marawi City, na dinurog ng limang-buwang gera.
Una, dahil nariyan si Pangulong Duterte na hindi nagpatumpik-tumpik ay itinalaga si housing czar Eduardo del Rosario, isang retired military general, bilang hepe ng Task Force Bangon Marawi. Sa ilalim nito ay sina Defense Sec. Delfin Lorenzana at Public Works Secretary Mark Villar na mamamahala sa katahimikan at seguridad ng lungsod at sa pagtatayo ng mga tahanan at pagpapanumbalik ng kuryente, tubig at iba pang public utilities.
Ikalawa, dahil nariyan ang mga tulad ng aktor na si Robin Padilla na nilikha ang “Tindig Marawi” drive na nangangalap ng pondo mula sa mga pribadong indibidwal, korporasyon, at organisasyon upang hindi lang mapatayuan ng mga bahay ang mga biktima kundi mabigyan din sila ng mga pangkabuhayan.
Ikatlo, dahil nariyan ang mga lokal na pamahalaan na handang umalalay sa nasabing siyudad.
Sa kasalukuyan ay pinupulong ni Ilocos Norte Gov. Imee Marcos ang Ilocano Muslim community para iplano ang mabilisan at komprehensibong rehabilitasyon ng Marawi.
Matatandaan na Hulyo pa lamang, noong kasagsagan ng gera sa pagitan ng teroristang Maute group at ng militar, isa ang pamahalaan ng Ilocos Norte sa mga unang nagpadala ng tulong sa mga naapektuhan ng gulo.
Katunayan ay nagpamudmod ito ng tulong pinansyal sa 150 pamilya na naninirahan sa Muslim community sa Brgy. 1, Laoag City. Karamihan sa mga residente ay may mga kamag-anak na Maranaw sa siyudad na lumikas sa simula ng bakbakan.
“It has truly been a difficult time for our Muslim brothers and sisters here in Ilocos Norte, and I am certain that the community along with the barangay council and perhaps generous donors from the private sector would be very eager to do what we can for the many who have been displaced, who have lost their homes,” ani Marcos.
Bumilib man ang gobernadora sa ginagawang pagkatok ni Duterte sa mga kaibigang bansa para tumulong sa rehabilitasyon, tama siya nang sabihin na obligasyon ng lahat ng Pilipino na ibangon at itindig ang kanilang kababayan.
Ayon nga sa kasabihan, ang sakit ng kalingkingan ay sakit ng buong katawan. Buong bansa ang magdurusa kung pababayaang lugmok ang Marawi.