Problema sa ‘right of way’ dini-dribol ng DPWH, DOTr

LAHAT tayo ay namomroblema sa traffic, at ang sigaw ng bayan, magdagdag ng daan.
Ginawa ng gobyerno, naghanap ng pera pero nang pinapagawa na, hindi maituloy dahil merong “right of way problem”. Hindi mapaalis ang mga landowner sa dadaanan ng bagong kalye dahil sa ayaw o hindi tama ang bayad.
Maraming “Build-build-build” project ang gobyerno, at ilan ay nakatengga dahil nga sa isyu sa “right of way”.
Tulad ng Skyway 3 mula Balintawak papuntang South Superhighway o South Luzon Expressway. Napansin niyo bang putol ang poste sa kanto ng R. Magsaysay blvd. at Araneta? Ang dahilan, ayaw pumayag ng mga motel sa Sta. Mesa na dumaan ang Skyway 3 patungong Plaza Dilao sa South Superhighway.
May mga problema rin ng “right of way” sa section 1 ng Buendia papuntang Quirino at sa section 3 ng Aurora blvd. patungong Ba-lintawak.
Isipin ninyo kung dalawang oras mahigit ang biyahe mula Buendia hanggang North Luzon Expressway, 15 mi-nutes na lang daw kapag nagawa ang Skyway 3. Ang gandang press release, pero hindi sinasabi na mabagal ito dahil tatlong “right of way” problems ang hindi umuusad.
Isang taon mahigit na ang Duterte administration pero tila tulog sa pansitan ang Depatment of Public Works and Highways at Department of Transportation sa isyu ng right of way.
Magaling ang plano tulad ng Bonifacio Global City-Ortigas center link na may kasamang Santa-Monica Lawton bridge sa Pasig city patungong BGC.
Isipin niyo, bukod sa EDSA Guadalupe at bagong ilog C5, e meron pang isang tulay na pwedeng daanan. Pero may problema pa rin sa “right of way”.
Gusto ng DPWH sa Sta. Monica dumaan, sabi ng mga residente ng Capitol Drive, dapat daw sa Sheridan street. At siyempre, matagal na kasuhan ang kasunod nito.
Maski itong ginagawang MRT 7 mula San Jose del Monte, Bulacan hanggang SM North ay meron ding problema sa “right of way” sa mga informal settlers na aabot daw sa 6,000 na pina-ngakuan ng bahay ng National Housing Authority.
Mga magagandang proyekto na nade-delay dahil mabagal, palpak kumilos ang mga taga-gobyerno.
Kumplikado talaga ang “right of way”, mula baranggay, mayor, PNP, korte, pulitiko, kaila-ngan talaga silang pasunurin sa desisyon. Ito ba ang hinihinging “emergency powers” ni Tugade sa Kongreso? Para malutas niya ang “right of way”?
Sa ganang akin, kung walang political will ang DOTr at DPWH laban sa mga problema ng “right of way” sa mga proyekto, mabuti siguro magsilayas na lang sila.
Panay ang anunsyo ng maraming kalye, tulay, riles at iba pa. Paano magiging totoo ‘yan kung hindi naman pala kayang ipatupad ang “eminent domain” po-wers ng gobyerno?
Paanong gagalaw ang mga private contractors at proponents, hindi niyo pala kayang mapaalis ang mga madadaanan ng proyekto.
Mas magaling pa sa inyo ang mga tao noon ni PGMA nang linisin ang magkabilang squatters sa mga riles ng tren at ang masalimuot na mga “right of way” sa SCTEX at TPLEX.
Ngayon, mabilis na ang daan patungong Baguio at Northern Luzon, katakut-takot na “right of way problems” pero nalutas din at nakikinabang tayong lahat.
Papasok na ang 2018, puro press release pa rin sa Build-build- build project, pero sa mga konstruksyon sa kalye, putul-putol ang gawa dahil hindi umuusad ang “right of way”.
DPWH Sec. Villar at DOTR Sec. Arthur Tugade, HOY GISING!

Read more...