BUMUHOS ang pakikiramay sa pamilya ni Isabel Granada mula sa mga kaibigan niya sa mundo ng showbiz, kabilang na ang mga entertainment writers na nagmamahal sa kanya.
Pumanaw si Isabel sa edad na 41 matapos ang dalawang linggong pagka-comatose sa isang ospital sa Qatar.
Ayon kay Chuckie Dreyfus, dating ka-loveteam ni Isabel, hindi pa rin siya makapaniwala na wala na ang kaibigan.
“Maraming salamat sa lahat ng pagkakataon na nagkasama tayo. Sa lahat ng panahon na pinasaya mo ako at ang pamilya ko. Sa pagmamahal na lagi mong pinaramdam sa akin ng buong puso.
“Sa bawat tawa, bungisngis, kurot at hampas sa akin na hindi ko makakalimutan. Kasama mo nawala ang napakalaking parte ng buhay ko na kailanman hindi ko na maibabalik.
“Ayoko pa rin maniwala. Sana sa panaginip man lang makita at makausap kita kahit papaano. Kahit man lang doon.
“Paalam, Isa. Mahal na mahal na mahal kita.”
Narito naman ang mensahe ni Bianca Lapus, isa sa mga BFF ni Issa, “Heaven just gained another Angel. Rest in peace sis Isabel Granada i am thankful for the 2 decades of friendship we had.
“Ok lang kahit di na tuloy ang date natin at inuman ng guyabano juice at pagtatawanan natin na after i gave birth hindi na kasya sakin ang costume natin sa play na noli me tangere kung saan nag alternate tyo as maria clara at tinanggap ko yung role ko na mermaid sa Halik ng Sirena dahil sa iisang rason na ikaw ang bida dun kahit hirap na hirap ako sa buntot ko at muntik malunod tapos tawa ka ng tawa.
“Yung tawa mo, yun ang gusto ko tandaan ngayon kasama ng pambansang eyelashes mo. Ang importante hindi ka na nahihirapan no more pain. I know you fought sis. Pahinga ka na. Mahal kita.”
Kahit si Maine Mendoza ay naapektuhan din sa maagang pagpanaw ng aktres. Tweet ni Meng, “Nakakalungkot naman… may you rest in peace, Ms. Isabel. Deepest condolences to her family and loved ones.”
Nagsimulang makilala sa show business si Isabel noong 1980s nang maging bahagi siya ng That’s Entertainment. Pero bata pa lang ay napapanood na siya sa mga commercial.
Ilan sa mga pelikulang nagawa niya ay ang “Bakit Madalas ang Tibok ng Puso” (1986), “Shake Rattle and Roll 2” (1990), “Chickboys” (1994), “Ligaya ang Itawag Mo Sa Akin” (1997), and “Hubad sa Ilalim ng Buwan” (1999) at marami pang iba.
Nakagawa rin siya ng mga teleserye sa ABS-CBN at GMA 7. Huli siyang napanood sa TV series ng Kapamilya Network na A Love To Last bilang si Cris, isa sa mga kaibigan ni Anton Noble’s played by Ian Veneracion.
Nakagawa rin siya ng tatlong album noong 1990, 1998 at 2000.
MOST READ
LATEST STORIES