MATAGAL na palang dapat nabuwag ang isang grupong sinusuportahan pa naman ng ating mga kababayan ang mga piyesa. Internal ang sinasabing dahilan, may away sa loob ng grupo, may mga nagrereklamo at meron ding walang nakikinig sa hinaing ng iba.
Ilang kaibigan lang diumano ng grupo ang namamagitan kaya buo pa rin sila hanggang ngayon pero kung wala raw ang mga gumigitna ay siguradong disbanded na ang tropa nang matagal na panahon.
Kuwento ng aming source, “Internal talaga ang problema dahil ang mismong inirereklamo ng mga members ng banda, e, ang mga managers nila. Matagal na silang nagrereklamo sa tinatanggap nilang suweldo.
“Napakalakas nga naman nilang rumaket, halos wala na silang pahinga, suwerte nga ng mga managers nila dahil kahit birit nang birit ang mga bokalista ng grupo, e, hindi pa rin sila namamaos.
“Grabe ang pagbirit nila, di ba, sobrang wagas na wagas, parang wala na silang kasunod na performance kung makatili ang mag bokalista nila habang nasa stage!
“Mabuti na lang at maalaga sila sa lalamunan nila na kung tutuusin, e, sobrang gasgas na gasgas na sa kabibirit nila! Para silang may mga amplifiers sa lalamunan, ang tataas ng tono ng mga kanta nila!” simulang kuwento ng aming impormante.
Nagrereklamo ang mga miyembro ng banda dahil sa iba-ibang paraan ay nalalaman nila kung magkano ang talent fee ng kanilang grupo sa tuwing magkakaroon sila ng concert o show.
“Malakas silang rumaket dito, lalo na sa iba-ibang bansa. Gustung-gusto sila ng mga kababayan natin dahil sa mga kanta nilang pagkatataas ng tono. So, dahil nga du’n, e, madalas silang kuning mag-perform sa mga bansang ngayon lang nila napupuntahan.
“Nalalaman nila kung magkano ang TF ng grupo, pero ang nakararating lang sa kanila, e, barya-barya.
Hindi compensated ang mga bokalista sa TF na ibinibigay ng mga managers nila.
“Ewan kung pinakinggan na ng mga managers nila ang hinihingi nilang pagtataas ng talent fee nila sa bawat show. Kapag hindi ‘yun nangyari, e, siguradong magkakaroon ng gulo.
“Baka bumaha ng luha, baka mangabasa sila sa ulan, baka magkawatak-watak na sila dahil sa napakababa nilang talent fee.
“Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, siguradong getlak n’yo na kung anong grupo ito kahit pa hindi kayo lumuluha,” pagtatapos ng aming source.