Mga opisyal na sangkot sa SSS scam dapat mapanagot

DAPAT ay mapanagot ang mga opisyal ng Social Security System na sangkot sa anomalya sa paggamit ng pondo ng SSS.

Sa nakalipas na mga araw ay laman ng mga balita ang mga opisyal na sangkot sa stock trading gamit ang SSS funds.

Kamakailan ay inihayag na ng pamunuan ng SSS ang pagkakasibak sa apat na opisyal na idinadawit sa stock trading. Bagamat kung babasahin ng mabuti ang pahayag ng liderato ng SSS, nasa floating status lamang ang mga opisyal habang isinasagawa ang imbestigasyon.

May pahayag pa ang SSS na walang misspending ng pondo ng SSS kundi stock trading lamang pero sa pananaw ng mga ordinaryong mamamayan, resources pa rin SSS ang ginagamit ng mga inaakusahang opisyal para sa kanilang personal na hangarin.

Hindi rin maganda ang timing ng kontrobersiya sa SSS sa harap naman ng napipintong pagtataas ng kinakaltas sa mga miyembro na kontribusyon kada buwan simula sa Enero 2018 na magiging 12.5 porsiyento na.

Inaangalan na nga ng mga miyembro ang nakatakdang pagtaas ng SSS contribution, makakarinig pa ng ganitong hokus pokus sa ilang opisyal ng ahensiya.

Hindi biro ang sweldo ng mga opisyal ng SSS na higit na malaki kumpara sa mga opisyal ng mga ordinaryong ahensiya ng gobyerno dahil ito ay kabilang sa mga GOCCs na may sariling charter.

Ang hindi katanggap-tanggap dito ay habang gusto ng pamunuan ng SSS na tanggapin ng mga miyembro ang ninanais na pagtaas ng kontribusyon, heto’t may ilang opisyal na gustong makinabang sa kanilang posisyon.

Idinadahilan pa ng liderato ng SSS na kailangang ipatupad ang SSS hike contribution para mapatatag ang ahensiya ngunit sa kabila naman nito, may alingasngas na kagaya nito.

Dapat ay tuluyang sibakin ni Pangulong Duterte ang mga isinasangkot na opisyal at hindi lamang inilagay sa floating status.

Pondo ng mga miyembro ng SSS ang pinag-uusapan dito na kinakaltas buwan-buwan sa mga ordinaryong empleyado kayat nararapat lamang na matiyak na napapangalagaaan ng mga opisyal na itinalaga para patakbuhin at mapalago ito at hindi para sa personal na hangarin ng iilang opisyal.

Naging isyu noong mga nakaraang administrasyon ang mga malalaking bonus na ibinibigay ng mga opisyal ng SSS sa kanilang mga sarili.

Bagamat hindi natin tiyak kung natigil na ang malalaking perks ng SSS officials, heto’t may mga bagong isyu na namang sumulpot laban sa mga tagapamahala ng SSS.

Hindi ba takot ang mga opisyal na ito sa pahayag ng Pangulo na ayaw niya sa korupsyon at katiwalian sa gobyerno?

Read more...