Motor nasalpok, nakaladkad ng bus; 2 patay

Dalawang lalaki ang patay nang masalpok at makaladkad pa ng pampasaherong bus ang sinakyan nilang motorsiklo sa Bambang, Nueva Vizcaya, Biyernes ng madaling-araw, ayon sa pulisya.
Dinala pa sa ospital ang negosyanteng si Primitivo Aydalla Jr., 40, at angkas niyang si Ronnie Boy Resco, 21, ngunit kapwa dineklarang patay ng doktor, ayon sa ulat ng Cagayan Valley regional police.
Nasalpok ng isang Florida bus (TB-0731) ang motor na minaneho ni Aydalla sa bahagi ng Maharlika Highway na sakop ng Brgy. Almaguer North, dakong alas-12:10.
Minamaneho ni Edmund Ayon-ayon ang bus patungong Tuguegarao City, Cagayan, nang bigla umanong tumawid ang motor.
Nag-preno ang bus driver, pero inabutan pa rin ang motor at nakaladkad ito 50 metro palayo sa pinagsalpukan, ayon sa pulisya.
Isinugod sina Aydalla at Resco sa Nueva Vizcaya Provincial Hospital dahil sa mga pinsala sa iba-ibang bahagi ng katawan, pero kapwa di na umabot nang buhay.

Read more...