Nalunod ang magpipinsang Laiza Mayo, 21; Catherine Apolinario, 13; at Catline Apolinario, 12, sa bahagi ng Demachikchik River na sakop ng Sitio Demegan, Brgy. Salvacion, Miyerkules ng hapon, ayon sa ulat ng Office of Civil Defense-MIMAROPA.
Naganap ang insidente dakong alas-2:15, nang mag-swimming ang tatlo sa ilog kasama ang iba pa nilang pinsan.
Inanod patungo sa malalim na bahagi ng ilog ang tatlo kaya sinubukang sagipin ng kanilang mga kasama.
Nabigo sa pagsagip ang kanilang mga pinsan kaya humingi ng saklolo sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at pulisya, ayon sa OCD.
Nahugot sa ilog sina Laiza, Catherine, at Katrina dakong alas-2:50.
Isinugod sa Busuanga Rural Health Unit at doo’y sinubukan pang i-revive, pero di na nagkamalay at idineklarang patay, ayon sa OCD.
Samantala, nasagip ang siyam katao, na kinabibilangan ng anim na Chinese national, matapos tumaob ang kanilang bangka malapit sa dalampasigan ng Puerto Galera.
Kabilang sa mga nasagip ang mga Chinese national na sina Fel Cao, 34; Juan Juan Shi, 34; Rong Jun Wang, 34; Jio Lo Sai, 40; Xi Min Yu, 61; at Xing Eng Zho, 40.
Nasagip din ang kapitan ng bangka na si Reno Ace Garcia, 27, at ang crew niyang sina Ian Roy Quinery, 19; at Justin Macalalad, 19.
Bumiyahe ang siyam mula Brgy. Sta. Clara, Batangas City, sakay ng M/B King Jonel at 20 metro na lang ang layo sa damaplasigan ng Brgy. Sabang, Puerto Galera, nang tumaob ang bangka, ayon sa OCD.
Nasaksihan ng mga diver mula sa isang resort ang insidente kaya sinagip ang mga sakay ng bangka.
Dinala ang siyam sa himpilan ng Coast Guard sa Puerto Galera para suriin at tanungin kung bakit naglayag kahit pa sinuspende ang mga biyaheng dagat dahil sa masamang panahon, sabi sa BANDERA ni Joy Fajilagmago, duty officer sa OCD-MIMAROPA.