Matteo sa pagiging ‘terror’ ni Chito Roño: Yari ka!


SA nakaraang presscon ng “The Ghost Bride”, natanong ang members ng cast sa pangunguna ni Kim Chiu, kung ano ang unforgettable experience nila kay Direk Chito Roño na kilalang super higpit at talagang mapapagalitan ka kapag dumating sa set ng late at hindi pa handa.

Hindi ito ang unang beses na nakatrabaho ni Kim si direk Chito, tatlong beses na silang nagkasama sa pelikula kaya halos perfect na ang aktres sa paningin ni direk Chito.

Pero para kay Matteo Guidicelli, kakaibang experience ang maidirek ng isang Chito Roño. Inamin niyang abut-abot ang kanyang kaba nang magsimula na silang mag-shooting para sa “The Ghost Bride”.

“Sa storycon pa lang, sabi ni Kim sa akin, ‘Matteo, ingat ka diyan (direk chito).’ So talagang natakot ako, sa first day palang talagang tinatanong ko si Kim kung nagalit ba sa akin si direk Chito (pagkatapos ng eksena). But at the end of the day, direk Chito was a very, very nice and we became friends naman,” ayon sa aktor.

Ayon kay Kim ay perfect ang lahat ng eksena ni Matteo, sa katunayan ay siya pa ang tinatanong kung okay ang acting niya, “Sabi ko nga (kay Matteo) ‘ano ako direktor mo?’ Pero ganu’n siya, kinukuha niya ‘yung opinyon namin.”

Hindi naman itinanggi ni Matteo na nabubulol siya dahil sa pressure pero nabawi naman daw niya ito sa dubbing, “He’s very meticulous especially sa blockings, you have to listen and the way you say the lines, importante talaga at kailangan mong makinig dahil kung hindi, yari ka talaga, I really learned a lot kay direk, thank you and it’s a dream come true to work with you.”

Sanay na rin daw si Cacai sa pagiging “terror” ni direk Chito, “Siya ang unang direktor ko sa ‘Dekada 70’ (2002) at natutunan ko na bawal ang balat sibuyas.

“Pero siyempre nakakanginig pa rin like nagpapawis ang mga kamay ko, naisip ko na hindi naman magiging ganu’n kaganda at ka-blockbuster ang mga pelikula niya kung hindi siya ganu’n (istrikto).

“Nakakakaba talaga, lalo na sa first time na nabinyagan ng T.A.N.G.A. Pero pagkatapos ng take, ikaw na mismo ang mababaliw kasi siya na ‘yung makulit, biglang magpapatawa at sobrang sarap katrabaho kasi importante sa kanya ‘yung opinyon mo. Ang dami mong matututunan.

“Kay direk Chito ang dami mong babaunin pag-uwi mo. Saka si direk ang galing niya kasi sa reading pa lang, iaarte niya na sa ‘yo kung ano ang gusto niya, pero binibigyan ka niya ng freedom to do your own thing about the context of the script, so ang suwerte namin talaga na nakasama kami rito sa The Ghost Bride,” pahayag ni Cacai.

Para naman kay Jerome Ponce, “Nu’ng tinanggap ko po ‘yung role, talagang kinita (nag-meet) pa ako ni direk for one whole day kasi namimili pa siya (ng gaganap), tapos sabi niya, ‘okay, mukha ka namang Chinese. Ikaw na’

“Tapos sabi ko, ‘direk paano po ba ito kasi baguhan pa lang ako, kasi sabi nga nila terror si direk Chito, e, bilang terror, sobrang galing mo talaga. Nu’ng nag-start na po kami mag-shooting talagang nakita ko kung paano siya magalit.

“Pero pagkatapos naman po no’n, lalabas na kami para mag-dinner o magla-lunch at masayahin siya, pabili nang pabili ng pagkain at siya rin ang gumagawa ng way para magkasama-sama kami,” sabi pa ni Jerome.

Ang “The Ghost Bride” ay produced ng Star Cinema at palabas na ngayon sa mga sinehan.

Read more...