SURE na sure kaming makaka-relate ang mga magka-live in sa bagong pelikula ni Alessandra de Rossi under Viva Films, ang “hugot” romance-drama na “12”.
Napanood na namin ang uncut version nito sa UP Cine Adarna kamakailan at as usual, hindi kami binigo ni Alessandra dahil muli niyang pinatunayan na isa talaga siyang magaling na aktres.
Ang “12” ay kuwento ng isang live in couple na nakipaglaban para sa kanilang relasyon ngunit kailangan nang maghiwalay dahil sa kanya-kanya nilang isyu at hugot sa buhay.
Ginagampanan ni Alex ang karakter ni Erica na isinakripisyo ang career para sa kanyang boyfriend na si Anton (Ivan Padilla). Limang taon silang naging magkaibigan at pitong taon nagsama bilang magdyowa (12 years na silang magkasama sa buhay, na siyang title ng pelikula).
Bibigyang puntos ng kuwento kung paanong nagsawa na si Erica sa paulit-ulit na lang nilang pag-aaway ni Anton mula sa maliliit na bagay hanggang sa malalaking issue na kinakaharap ng kanilang relasyon. Maging ang pakikipag-sex ay naging problema na rin nila.
Medyo maingay ang ilang eksena sa pelikula dahil kailangang iparamdam ng karakter nina Ivan at Alex ang galit nila sa isa’t isa, lalo na kapag sumisigaw, nagmumura at nanunumbat na si Ivan bilang si Anton na isa nga sa mga dahilan kung bakit gusto nang tapusin ni Erica ang kanilang relasyon.
Gustung-gusto namin ang dialogue nina Alex at Ivan habang pinag-uusapan kung bakit kailangan muna nilang maghiwalay: Sabi ni Ivan, “Because of you, I found myself.” Na sinagot naman ni Alex ng, “And I lost mine.” Super hugot, di ba?!
In fairness, effortless ang akting ni Alex sa “12”, natural na natural ang bawat eksena kung saan iniisa-isa niya ang mga rason kung bakit nagsawa na siya sa pakikisama sa kanyang partner. Nakatulong din siguro na siya rin ang sumulat na script ng movie kaya gets na gets niya ang karakter ni Erica.
Hindi naman nagpalamon si Ivan sa kanyang leading lady, na talagang kaiinisan mo habang inaatake siya ng pagiging talakerong partner. Ang galing-galing niya sa eksena kung saan kumakain siya ng pizza habang umiiyak.
Feeling namin, hindi talaga nahirapan ang direktor ng pelikula na si Dondon Santos sa pagbuo ng “12” dahil parehong magaling ang kanyang mga artista. At kahit nga sa isang bahay lang nangyari ang halos kabuuan ng pelikula, hindi ka mabo-bore o maiirita – kung bakit ‘yan ang dapat n’yong sagutin kaya dapat n’yo talaga itong panoorin.
Sabi nga ni Alex, “Yun ‘yung tanong dito. Paano kung ikaw na lang ‘yung bigay ng bigay pero wala na, wala ka nang maibigay? Kumbaga sa cellphone lowbatt ka na. Hindi kasi nare-replenish ‘yung binibinigay mo.”
Showing na sa darating na Nov. 8 ang “12” nationwide under Viva Films.