MATINDI talaga ang epekto ng pag-aabroad sa ating mga kababayan.
Mahigit isang taong comatose ang isang Pinay OFW sa Dubai, UAE. At sa haba ng panahon na tulog siya o walang malay mula nang ma-confine ito, pinagtulung-tulungan siyang ma-revive ng mga doktor, nurses at buong staff ng hospital, lalo pa’t wala siyang kapamilya na naroroon para mag-asikaso sa kanya o makadalaw man lang.
Kaya nang magising ito, laking tuwa at pasasalamat ng buong staff nang naturang hospital.
Hindi rin makapaniwala ang Pinay na matagal siyang comatose.
Akala ng lahat, hihilingin nitong makauwi kaagad ng Pilipinas upang muling makapiling ang kaniyang mga mahal sa buhay. Ngunit hindi iyon ang naging desisyon ng OFW.
Taliwas nga sa inaasahan, sinabi nitong gusto na niyang bumalik na lang agad sa kanyang trabaho bilang isang supervisor.
Kahit sabihin pa ng kumpanyang kanyang pinaglilingkuran na maaari naman siyang bumalik kahit anong oras kung sakaling uuwi sa Pilipinas, pero hindi pa rin nito ninais na makabalik ng bansa. Mas nais niyang bumalik na lang agad sa paghahanapbuhay.
Hindi naman natin alam kung ano ang personal na dahilan ng ating OFW kung bakit nga mas pinili niyang ipagpatuloy na lamang ang pagtatrabaho sa halip na umuwi ng bansa at makapiling ang pamilya.
Sa mga ganitong kalagayan kasi, sa tagal nang panahong pagkakasakit at pagkawalay sa pamilya, kadalasan ay pinipili nilang makapiling kaagaad ang mga mahal nila sa buhay.
Tiyak na ganoon din ang pakiramdam ng mga kapamilya nito sa Pilipinas na maaaring walang ibang ginawa sa araw-araw kundi ang ipanalangin siya na magising na sana sa lalong madaling panahon ay makabalik siya sa dating kalusugan.
Ikinalulungkot natin ang ganitong mga balita. Siyempre walang may gusto ng pagkakasakit, OFW man o hindi. Palaging ninanais natin ang malusog na pangangatawan sa araw-araw, walang anumang dinaramdam at nagagawa ang mga regular na gawain sa buhay.
Lalo pa sa ating mga OFW. Puhunan nila sa kanilang pag-aabroad ang pagkakaroon ng mabuting kalusugan upang magamit iyon sa kanilang paghahanapbuhay.
Kumbaga, bawal talaga silang magkasakit doon, lalo pa sila na mga walang pamilya o kaibigan sa ibang bansa.
May mga OFW tayo sa abroad na labis-labis aabusuhin ang kanilang mga katawan tulad na lamang ng pagkahumaling sa iba’t ibang klase ng bisyo, paggamit ng ipinagbabawal na gamot, pakikipagtalik nang walang patumangga, pagpupuyat nang walang kabuluhan o di kaya’y pakikipag-barkadahan.
Ang ganitong mga gawain ay tiyak na umaani ng kasiraan at kabulukan ng kanilang mga katawan. Marami na tayong mga kababayan na nagkasakit at nag-resulta iyon sa di-napapanahong mga kamatayan dahil sa kawalan ng disiplina sa kanilang mga sarili.
Pakiramdam nga ng iba, mga “immortal” sila o walang kamatayan. Ngunit nasa isip lamang iyon. Kabaliktaran ito ng katotohanan.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com