MAY paniniwala ang maraming mga Pinoy na may iba’t ibang klaseng pwersa ng kadiliman ang gumagala. Mula sa mga mangkukulam hanggang sa Lambana ng Tagalog, Sigbin ng Eastern Visayas hanggang Berbalang ng Sulo, paniwala ng maraming Pinoy na nag-e-exist pa rin ang mga ito sa kabila ng makabagong teknolohiya.
Siyempre, habang naniniwala ang marami sa iba’t ibang uri ng aswang o pwersa ng kadiliman, may panangga ang mga Pinoy laban sa mga ito.
Anting-anting
Sino ba naman ang hindi nakakaalam sa anting-anting? Magpunta ka lang sa Quiapo at tiyak makahahanap ka ng iba’t ibang uri ng anting-anting.
Kadalasan ito ay gawa sa metal, special gem at mga bato. Meron ding bahagi ng halaman o hayop. Yung iba naman ay bala ng baril.
Ang sabi, pinuprotektahan ng anting-anting ang may suot o dala nito.
Krus
Maging sa mga bansa sa Kanluranin, ang crucifix o krus ay isang matibay na panangga sa mga masasamang espiritu.
Nasusunog diumano ang mga kampon ng kadiliman sa sandaling madikit sa kanila ang krus.
Buntot pagi
Tepok daw ang aswang sa sandaling maihataw rito ang buntot pagi. Pinaniniwalaang mabisang panangga kontra sumpa at kulam.
Bolo
Normal nang sandata ito ng mga Pinoy sa bukirin, pero mabisang panlaban sakaling atakihin ng aswang.
Palaspas
Mabisa lalo na kung may bendisyon ng pari. Kadalasang inilalagay sa pinto ng bahay para hindi makapasok ang masasamang espiritu.
Walis
Takot daw ang mga aswang na pasukin ang isang bahay kung meron itong walis na nakabaligtad sa tabi ng pinto.
Tu-ob
Isang ritwal para itaboy ang masamang espiritu. Ito ay ang pagpapakulo at pagsunog ng iba’t ibang uri ng damo sa bao at inilalagay sa isang upuan nang sinasaniban.
Bawang
Ang masangsang na amoy nito ay ang nagtataboy sa iba’t ibang uri ng aswang. Inilalagay sa pinto at mga bintana para hindi mapasok ang bahay.
Asin
Inilalagay ito sa bawat sulok ng bahay para hindi pamahayan ng masasamang espiritu.
Holy Water
Kadalasan ay ibinabasbas bilang proteksyon laban sa masamang espritu. Nasusunog ang aswang sa sandaling matalamsikan ng Holy Water.