Marian binigyan ng Pillar of Hope award ng mga estudyante


PINASALAMATAN ni Marian Rivera ang mga estudyante ng Eton International School sa parangal na ibinigay sa kanya na Pillar of Hope kaugnay ng kanyang adbokasiya bilang nanay at paniniwalang ang kabataan ang pag-asa ng bayan.

Isinabay sa selebrasyon ng United Nations 2017 ang pagbibigay ng parangal kay Yan Yan at proud niyang idinispley sa kanyang Instagram ang natanggap tropeyo.

“Nagpapasalamat ako na napili ako ng mga estudyante ng Eton bilang Pillar of Hope awardee.

Nakakataba po ng puso malaman na binibigyan ng halaga ng kabataan ang trabaho ko at lalo na ang mga advocacy ko.

“Isa po akong tao na naniniwala na dapat ipaglaban ang mga prinsipyo ng iyong pinaniniwalaan. Isa po akong babae na naniniwala sa mga karapatan ng lahat ng babae at lalo na ang mga Nanay. At isa po akong Ina na niniwala sa kakayahan at pag-asa ng kabataan.

“Malaki pong karangalan para sa isang tulad ko na kilalanin bilang isang simbolo o ehemplo ng pag-asa.

Pero sa aking puso, alam ko na ang kabataan ang tunay na simbolo ng pag-asa. Sila ang magdadala ng kinabukasan at sila ang magpapatupad ng mga pangarap nating lahat. #PillarOfHope #MasaramingSalamat.”

Dahil sa adbokasiya bilang ina, ito ang pangunahing rason kung bakit tinanggap niya ang Kapuso series na Super Ma’am. Sa pamamagitan ng programa, naihahatid ni Yan ang magagandang aral para sa mga bata lalo na ‘yung mga estudyante.

Sa totoo lang, ngayong Halloween, ang costume ni Yan sa SM ang isa sa ginagaya sa social media ng mga bagets, huh!

Read more...