Ateneo Blue Eagles nadagit ang twice-to-beat

Mga Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
2 p.m. UST vs DLSU
4 p.m. Adamson vs NU
Team Standings: *Ateneo (11-0); DLSU (9-2); Adamson (7-4); FEU (5-6); UP (5-6); NU (4-6); UE (3-9); UST (0-11)
* – semifinalist

SINIGURO ng Ateneo de Manila University Blue Eagles ang dalawang beses na tataluning insentibo sa matira-matibay na Final Four matapos nitong muling biguin ang University of the East Red Warriors, 97-73, sa papatapos na eliminasyon ng UAAP Season 80 men’s basketball tournament Sabado sa Mall of Asia Arena, Pasay City.

Hindi lamang itinala ng Blue Eagles ang kanilang diretsong pagwawagi sa 11 sunod na panalo kundi inokupahan na rin nito ang isa sa dalawang insentibo na nakataya sa semifinal round.

Pinamunuan muli ni Ferdinand “Thirdy” Ravena III ang Blue Eagles sa itinala nitong 17 puntos, walong rebound at apat na assist habang si Jolo Mendoza ay may 13 puntos at dalawang assist. Nag-ambag din si Vince Tolentino ng 12 puntos, tatlong rebound at dalawang assist habang si Raffy Verano ay may siyam na puntos at anim na assist.

Itinala ng Blue Eagles ang pinakamalaki nitong 30 puntos na abante sa ikaapat na yugto, 85-55, bago nito tuluyang itinulak sa ikasiyam na kabiguan ang Red Warriors sa loob ng 12 laro.

Tatlong panalo na lamang naman ang kailangan ng Ateneo para mawalis ang lahat ng laro nito sa eliminasyon at masungkit ang awtomatikong silya sa Finals na matagal na rin na hindi nagaganap sa torneo.

Lumabo na rin ang tsansa ng Red Warriors na makaagaw ng silya sa Final Four habang nalimitahan din ang leading scorer nito na si Alvin Pasaol na hindi nakapagtala ng double-digit scoring sa unang pagkakataon sa torneo.

Sa ikalawang laro, nagawang tumabla ng University of the Philippines Fighting Maroons sa ikaapat na puwesto matapos nitong maungusan ang Far Eastern University Tamaraws, 59-56.

Muling nagsilbing bayani para sa Fighting Maroons si Paul Desiderio na naghulog ng game-winning step-back triple sa harap ni Ron Dennison may mahigit isang segundo na lamang ang nalalabi sa laro.

Ang panalo ng Fighting Maroons ang naging daan para makaangat ito sa National University Bulldogs at makasalo sa ikaapat na puwesto ng Tamaraws sa 5-6 record.

Nagtapos si Desiderio na may game-high 15 puntos habang si Ibrahim Outtara ay nagtala ng 10 puntos, 15 rebound at dalawang block para sa UP.

Kumana naman si Jasper Parker ng 13 puntos, walong rebound at limang assist para pamunuan ang FEU.

Read more...