4 kidnapper patay sa shootout sa Cavite

Patay ang apat na lalaki, kabilang ang isang pulis, na dumukot at pumatay sa isang Filipino-Chinese casino operator nang makipagbarilan sa mga pulis sa Carmona, Cavite, Biyernes ng umaga.
Napatay ang pulis na si Rodel Estonactoc, at mga kasamahan niyang sina Ramil Espejo, Erwin Escobido, at isang alyas “Taba,” sabi ni Chief Insp. Jonathan Asnan, hepe ng Carmona Police, sa kanyang ulat.
Naengkuwentro ng mga tauhan ng PNP Anti-Kidnapping Group ang apat, na sakay ng isang Mitsubishi Adventure, dakong alas-4:10 sa bahagi ng San Lazaro road na sakop ng Sitio Ulong Tubig, Brgy. Mabuhay.
Bago iyon ay nagsasagawa ang mga miyembro ng AKG ng casing, surveillance, at hot pursuit operation laban sa mga taong dumukot sa Filipino-Chinese na si Carlos Tan, ani Asnan.
Si Tan, junket operator at mayroon ding hawak na table sa Resorts World Manila, ay dinukot kasama ng kanyang driver noong Okt. 21, sabi ni Senior Supt. Glenn Dumlao, direktor ng PNP-AKG, sa isang panayam sa radyo.
Humingi ang mga kidnapper ng P50 milyon kapalit ng dalawa pero nakipagtawaran ang pamilya, na noo’y nakikipag-ugnayan na sa pulisya, hanggang sa mapababa ang ransom sa P10 milyon, ani Dumlao.
Matapos iyo’y tumigil ang negosasyon at pinawalan ang driver, na tumulong sa mga pulis sa pagtunton sa mga kidnaper kahit nakapiring noong dukutin, aniya.
Sinabi ng driver sa pulisya na noon pa lang Linggo, o isang araw matapos madukot, ay pinababa ng mga kidnapper si Tan sa isang lugar at doo’y binaril.
Binalikan ng driver at mga pulis ang lugar kung saan pinawalan ang una sa Tagaytay at nakakuha ng lead, hanggang sa matunton ang bangkay ni Tan sa gilid ng Talisay Road, kung saan ito’y tila kinain na ng bayawak, sabi ni Dumlao sa radyo.
Napag-alaman na si Estonactoc, isa sa mga napatay na suspek, ay may ranggong PO3 at pinaniniwalaang na-dismiss sa serbisyo, habang ang dalawa pa sa kanyang mga kasama’y hinihinalang mga nasibak din na alagad ng batas, ani Dumlao.
Narekober sa pinangyariyhan ng engkuwentro ang isang kalibre.45 pistola, tatlong kalibre-.9mm baril, sari-saring basyo, at ang Adventure (ABQ-6451) na nakarehistro sa isang Jeanne Estonactoc ng Quezon City, ani Asnan.

Read more...