Jeepney strike ikinatuwa ng bayan

DALAWANG araw na jeepney strike ang ipinatupad ng PISTON noong nakaraang linggo bilang sigaw ng pagtanggi nila sa planong pagpapatupad ng Jeepney Phaseout sa susunod na taon.

Ang transport strike ay isang nakagawiang paraan ng mga militanteng organisasyon ng driver upang pilitin ang pamahalaan na ibigay ang kanilang mga kagustuhan. Sa mga nakaraang administrasyon, mabilis ang pagguhgo ng resolve ng gobyerno at ibinibigay ang gusto ng mga jeepney groups.

Pero nitong nakaraang strike, parang mas natuwa pa ang mga tao. Kung ibabase mo ang mga reaksiyon sa social media, makikita natin na parang walang epekto ang strike sa mga commuter at motorista.

Karamihan sa mga naging expression ng mga tao ay nabawasan ang trapiko sa Kalakhang Maynila dahil walang jeep sa kalsada at nabawasan ang magugulong sasakyan sa lansangan.

Of course malaking dahilan sa lumuwag na trapiko ay ang deklarasyon na holiday ang dalawang araw, subalit hindi ito pinansin ng tao at tanging ang pagkawala ng jeepney sa kalye ang kanilang ikinatuwa.

Hindi rin natin masasabi na walang jeep sa kalye dahil tanging PISTON lang ang nagwelga at hindi sumali ang FEJODAP at Stop And Go Coalition, ang dalawa pang malaking unyon ng jeepney drivers sa bansa.

Ang nakikita natin dito ay ang kapaguran ng taumbayan sa gulo na dulot ng mga jeepney drivers at ang kanilang walang disiplinang paraan ng pagmamaneho sa lansangan.

Hindi na din epektibo ang “paralization” effect ng mga jeepney unions dahil nga simpleng deklarasyon ng holiday lang ang pantapat ng pamahalaan sa panggugulo nila.

At dahil sa mga UV Express at mga P2P Bus, nagkaroon na rin ng alternatibong sasakyan ang mamamayan kaya’t hindi na ganun kabigat ang impluwensiya ng jeepney sa buhay nila.

Mukhang kailangan na i-re-assess ng mga jeepney unions ang kanilang posisyon sa public transport sector ng bansa dahil sa mga recent developments sa teknolohiya at design ng sasakyan at batas ukol dito.
Kung patuloy nilang ipipilit ang makalumang posisyon nila, baka sila rin ang mawalan sa bandang huli.

Gayahin natin ang example ng Bangkok, Thailand na 20 years ago ay kapareho natin ang problema sa kanilang “Tuktuk.” Ang ginawa ng Thailand ay ipinadala ang mga Tuktuk sa tourist spots upang hindi mawala sa kaysayan nila ang iconic transport. Pero sa Bangkok mismo, bawal na sila dahil sa ginagawa nila sa trapik.

Auto Trivia: Ang Mazda ay nagsimula sa Hiroshima, Japan bilang Toyo Cork Kogyo Company noong 1920. Ang unang produkto nito ay military weapons para sa Japanese army. Naging Mazda ang pangalan nila noong 1984 lamang.

Para sa mga komento at suhestiyon sumulat lamang sa irie.panganiban@gmail.com o sa inquirerbandera2016@gmail.com.

Read more...