SAN ANTONIO — Matapos na tambakan ng 36 puntos ng San Antonio Spurs ang Miami Heat sa Game Three noong Miyerkules ay iningusong dahilan ang malamyang paglalaro ni Chris Bosh sa pagkatalo ng nagdedepensang kampeon.
Hindi kasi naging agresibo sa rebounds at sa depensa ang 6-foot-10 na si Bosh at kadalasan pa ay sa labas ito tumitira sa halip na sumalaksak sa loob para makaiskor at kumuha ng foul.
Matapos umani ng kaliwa’t-kanang batikos ay sinagot ito ni Bosh ng mahusay na paglalaro sa Game Four. Umiskor siya ng 20 puntos at humugot ng 13 rebounds bukod pa sa may tigalawang steals at blocks para tulungan ang Heat sa 109-93 panalo sa Game Four noong Biyernes.
Tabla na ngayon ang best-of-seven series, 2-all, at nakakasiguro na ang Heat na babalik ang serye sa Miami para sa Game Six.
Ang Game Five ay nakatakda bukas. Ito ang pinakahuling home game ng Spurs sa San Antonio. Kaya naman parang “must-win” na ito para sa Spurs.
Pero kung si Bosh ang sinasabing dahilan sa pagkatalo ng Heat sa Game Three ay si Manu Ginobili naman ang itinuturong salarin para sa Spurs sa Game Four.Sa katunayan ay hindi pa talaga pumutok sa opensa si Ginobili sa kabuuan ng serye.
Sa unang apat na laro ng Finals ay may average siya na 7.5 puntos at 1.75 turnovers kada laro. Masama rin ang ipinakita niya sa field goal shooting kung saan may 34.5% (10-of-29) accuracy lang siya.
Sa Game Three ay tumira siya ng 0-of-4 at sa Game Four ay 0-of-3 siya mula sa three-point area. “He’s having a tough playoffs, and hasn’t really found a rhythm or found his game yet,” sabi ni Spurs coach Gregg Popovich. “I think that he’s obviously not as confident as usual, and he knows full well he hasn’t performed the way he would like and the way he’s used to. But it’s simplistic to say, ‘What are we going to do to get him going?’”
Gayunman, hindi pa rin magkukumpiyansa si Heat coach Eric Spoelstra. Patuloy pa rin niyang padedepensahan si Ginobili dahil alam niya na anumang oras ay maaaring manumbalik ang laro ni Ginobili at baka nga pumutok na ito sa opensa sa Game Five bukas.
“It’s not that I’ve scored 30 a game this year,” sabi ni Ginobili. “I’m surprised. I wish I could score more. But it’s not happening. I got to try to do other stuff. I’ve got to move the ball. If the shot is not falling, I’ve got to be sharp feeding the bigs and finding the shooters. I don’t have to force the issue. That’s not what I do. That’s not what I’m asked to do.”
Isa sa inaantabayanan sa Finals na ito ay ang pagsagupa ng “Big 3” ng Heat kontra sa “Big 3” ng Spurs. Nagpakita na ng lakas ang “Big 3” ng Heat sa Game Four, maglalaro na kaya ng mahusay si Ginobili sa Game Five para matulungan ang mga kakamping sina Tim Duncan at Tony Parker?