NAGING madali para kina Miko Juarez at Gabriel Umali na magkaroon ng chemistry bilang singing and dancing duo dahil sa kanilang passion for music.
Sa mga hindi pa nakakakilala sa dalawang bagets, sila ang mga bagong talent ng Asian Artists Agency ng King of Talk na si Boy Abunda na parehong produkto ng Kapamilya reality talent search na Pinoy Boyband Superstar.
Hindi man pinalad na maging bahagi ng Boyband PH, kinuha pa rin sila ng Star Music para gawing singing duo at tinawag na Miko & Gab. At para sa kanilang first collaboration, ibinigay sa kanila ang kantang “Hugot” na naging instant hit nga sa mga radio station.
Kamakalawa, nakachikahan namin ang dalawang binata sa pocket presscon na ibinigay sa kanila ng Asian Artists Agency, dito nga namin nalaman na talagang bahagi na ng buhay nila ang musika kahit noong mga bata pa sila.
Kuwento ni Miko, “I still remember instead na manood kami ng cartoons sa bahay nu’ng mga bata kami, mas gusto namin sa MTV. Idol na idol namin dati yung Backstreet Boys. So, talagang lumaki ako sa music.”
Nasa Canada pa noon si Miko nang mabalitaan niya ang audition para sa Pinoy Boyband Superstar, “Umuwi talaga agad ako sa Philippines para sumali dahil matagal ko nang pangarap maging singer.” Hanggang sa Top 12 lang umabot si Miko.
Para naman kay Gab, dream come true ang pagiging contract artist nila ni Miko sa Star Music at magkaroon ng sariling kanta, ito ngang “Hugot” na isinulat nila ni Miko sa tulong ng kanyang kapatid na si Anton na isa ring magaling na composer. Namana raw nila sa kanilang ama ang pagiging musikero.
Bago mag-audition sa PBS, kilalang dancer sa kanilang school si Gab at nakipag-compete na sa mga hip hop dance competition, kabilang na ang sinalihan nila sa Sydney, Australia.
Sa isang panayam, sinabi ni Boy Abunda na simula pa lang ay alam na niyang may promise ang mga bagets sa music industry.
“Ang una kong napakinggan kasi, ‘yung kanta. Then, I did an interview with Miko on Tonight With Boy Abunda and I liked the boy. Makikita mo ‘yung passion, and gusto ko ‘yung tunog ng awitin.
“Minsan kasi ‘di ba, naghahanap ka ng talent tapos hinahanapan mo ng kanta? Ito, nu’ng narinig ko ‘yung kanta, wala ng paliwanag. Alam mo ‘yung direksyon, eh. Alam mo kung saan papunta ‘yung kanta,” aniya pa.
“They’re very competitive, in a sense, but they have so much love for their friends in BoybandPH, mga kaibigan nila eh. They’re very close to them,” sabi pa ng TV host.
In the future gustong maka-collaborate nina Miko at Gab sina Iñigo Pascual at Ylona Garcia. Inamin ni Miko na super crush niya si Elisse Joson habang gandang-ganda naman si Gab kay Liza Soberano.
Masaya namang ibinalita nina Mike at Gab na nasa ikalawang spot na ang kanilang “Hugot” sa Pinoy Biga10 (Top 10 OPM Hits of the Day) ng MOR 101.9. Naging instant hit nga ito agad sa lahat ng mga millennials at OPM lovers.
Makakasama rin ang dalawang singing heartthrobs sa major concert ng tinaguriang Korea’s King of Pop na si Rain titled “Rise 2 Shine Benefit Concert” sa Nov. 3, 8 p.m. na gaganapin sa Araneta Coliseum. Kasama rin dito ang ilang kilalang K-Pop at OPM singers.
Mabibili na ang ticket sa Ticketnet. This is for the benefit of Marawi residents, MYNP Foundation at Ko-Ph World Foundation. For inquiries about Miko & Gab, call lang kayo sa AAA, 855-4765 or 405-4423.