Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
3:30 p.m. San Sebastian vs Letran
PAG-AAGAWAN ngayong hapon ng San Sebastian Stags at Letran Knights ang huling silya sa stepladder semifinals sa kanilang matira-matibay na labanan sa NCAA Season 93 men’s basketball tournament sa Mall of Asia Arena.
Sumandig ang Letran kay Rey Nambatac na nagtala ng 25 puntos upang biguin ang Arellano University Chiefs, 70-68, noong nakaraang Biyernes sa Filoil Flying V Centre.
Ang panalo ay nagtulak sa Knights sa isa pang matinding salpukan sa ganap na alas-3:30 ng hapon kontra Stags.
“We’re good and ready for them,” sabi ni Letran coach Jeff Napa.
Hinati ng San Sebastian at Letran ang kanilang laban sa elimination round bagaman nakamit ng Stags ang huling panalo matapos na durugin ang Knights, 95-64, noong Setyembre 26. Unang nagwagi ang Knights, 79-75, sa laro na dumaan sa overtime noong Agosto 15.
Aasa si San Sebastian mentor Egay Macaraya sa kanilang depensa para makatuntong sa stepladder semifinals.
“If we can show the same defensive intensity that we had in our last meeting, we have a chance,” sabi ni Macaraya.
Ang San Sebastian ang koponan na nalilimitahan ang kalaban sa 70.2 puntos lamang kada laro kasunod sa San Beda College (65.2) at Jose Rizal University (69).
Ang 23-anyos na si Nambatac, na nasa ikalima at huling taon sa Letran at nakatakda na rin magpropesyonal ngayong taon, ay pilit na pagagandahin ang kanyang pagtatapos sa pinakamatandang liga sa bansa.
“I’m looking forward for this match,” sabi ni Nambatac, na maagang iniwan ang PBA Draft Combine Lunes upang makasama ng kanyang koponan sa ensayo.
Samantala sa juniors division ay magsasagupa ang San Sebastian at St. Benilde-La Salle Greenhills para sa huling silya sa Final Four sa ganap na ala-1 ng hapon.
Ang magwawagi ay sasagupain ang San Beda na nanguna sa eliminasyon sa Oktubre 27 sa Mall of Asia Arena. Ang nasa No. 2 na Mapua at No. 3 Letran ang maghaharap naman sa isang pares sa Final Four. Bitbit ng San Beda at Mapua ang mga twice-to-beat edge.