Laro Ngayon
(Philippine Arena)
6:30 p.m. Meralco vs Barangay Ginebra
(Game 5, best-of-7 championship series)
MAKUBRA ang krusyal na 3-2 bentahe ang pag-aagawan ng Barangay Ginebra Gin Kings at Meralco Bolts sa kritikal na Game Five ng 2017 PBA Governors’ Cup best-of-seven championship series Linggo ng gabi sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Hindi lamang puputulin ng Gin Kings at Bolts ang pagtatabla sa tig-dalawang panalo kundi lalapit pa sa korona ang koponang magwawagi sa ikalimang laro ng pangkampeonatong serye sa ganap na alas-6:30 ng gabi.
Isa na sa alalahanin ni Meralco import Allen Durham at Bolts ay ang pagsabak nito sa unang pagkakataon sa Philippine Arena habang ang Gin Kings ay nakapagtala naman ng perpektong 2-0 record sa malawak na stadium bagaman hindi nito kasama ang import na si Justin Brownlee na maglaro dito.
Kapwa rin sasabak ang dalawang koponan sa harap ng inaasahang pinakamaraming manonood sa pagsasagawa ng susunod na mga laro ng kampeonato sa may 55,000-kapasidad na pasilidad.
“From what I’ve heard, it’s the biggest indoor arena in the world,” sabi ni Brownlee. “That’s gonna be quite the experience. I never played in anything like that. It’s definitely going to be exciting for me, (but) just got to look at it like a game, same series, and go out there and play our best.”
Asam ng Gin Kings bumalikwas sa nalasap na 83-85 kabiguan sa Game Four na nagtabla sa tigalawang panalo sa serye.
Pamilyar naman ang Gin Kings sa mga out-of-town venue lalo na sa paglalabanan na state-of-the-art facility kung saan dalawang beses na itong nakapaglaro na una noong Kapaskuhan sa pagbigo sa Star Hotshots, 86-79, sa eliminasyon ng 2016-17 Philippine Cup.
Sinundan ito ng panalo kontra sa TNT sa 2014 season opener na nagtala ng record crowd na 52,612 fans.
Unang pagkakataon naman para sa Bolts na maglaro sa nasabing lugar bagaman balewala sa Bolts na asam sundan ang panalo sa ikaapat na paghaharap upang lumapit sa pagkumpleto sa paghihiganti nito sa Gin Kings.
Matatandang tinalo ng Gin Kings ang Bolts sa kanilang paghaharap nakaraang taon kung saan naihulog ni Brownlee ang isang tres upang angkinin ang korona sa Game 6.