Sylvia Sanchez nagparetoke ng mukha: Paano ko gagawin ‘yun, e, takot na takot ako sa injection!

SYLVIA SANCHEZ

MARAMI nang nakatrabahong magagaling na direktor ang award-winning actress na si Sylvia Sanchez.

Isa sa hinahangaan niya ngayon sa mga bagong sibol na direktor ay si Kip Oebanda, ang direktor ng kanyang first invie movie na “‘Nay”.

Bagets pa lang daw si direk Kip pero punumpuno na ito ng bagong ideya at marami pang gustong gawing pelikula na may mga mensahe sa lipunan.

Si Kip ang sumulat at nagdirek ng mga pelikulang “Bar Boys” (2017) nina Enzo Pineda, Rocco Nacino, Kean Cipriano at Carlo Aquino; “Tumbang Preso” (2014); 2nd unit director ng “Ang Nanay Ni Justin Barber” (2014) at junior editor ng “Patay Na Si Hesus” (2016).

Interesting ang buhay ni direk Kip dahil may kuwento pala kung bakit “Kip” ang pangalan niya, sa kulungan daw kasi siya ipinanganak ng nanay niya na naging biktima ng Martial Law noong Marcos Administration.

Kaya sa general presscon ng Cinema One Originals Film Festival kung saan kasali ang pelikula nilang “Nay” ay isa si direk Kip sa gusto naming makapanayam dahil gusto pa naming malaman ang iba pang kuwento sa kanyang buhay.

Samantala, tawang-tawa naman si Ibyang sa balitang kumakalat na nagparetoke raw siya dahil looking young daw siya ngayon base na rin sa latest pictorial niya na ginanap sa Fred Hairshaft, The Podium, ADB Avenue Ortigas Center, Mandaluyong City.

“Natawa talaga ako kasi may nagkuwento sa akin na tinanong daw ng reporter kung nagparetoke ako sa mukha, kasi nabago raw.

“Tiningnan ko tuloy sa salamin kung anong nabago sa mukha ko. Napansin ko medyo lumiit kasi talagang nagpapayat ako, di ba?

“Pino-post ko nga parati ang #OperationTaba ko kapag may time sa Ultra, si Elma Muros ang trainor ko.
“May epekto Reggs kasi simula nu’ng ginagawa ko ito, nagbawas na ako ng 25 pounds kaya malaking bagay iyon.

“Kaya ngayon ingat na ako sa lahat, sa mga kinakain ko, dati kasi wala sa oras ang kain ko, ngayon nasa oras na. Maski na kaliwa’t kanan ang dinner with friends o sa bahay, limitado na. Unlike before kain lang ako nang kain.

“Tapos siyempre sasabayan mo ‘yun ng exercise para hindi lumaylay ang balat o skin ko kaya firm pa rin. Sa mukha ko, kaya siguro bumata ako kasi ginagamit ko talaga ‘yung Beautederm ni Rei (Anicoche-Tan), effective talaga. Subukan mo, babata ka rin.

“Nakakatawa nga, may Beautederm Caravan ako every weekend sa iba’t ibang probinsya, para nga akong bagets, nagka-caravan na. Ha-hahaha!” kuwento sa amin ng aktres.

q q q

Nabanggit din ni Ibyang na takot siya sa injection at hindi niya kaya ang sakit na dulot nito kaya hindi siya dadaan sa retoke.

Marami ng awards na natanggap si Sylvia bilang Best Actress at Best Supporting Actress kaya tinanong namin kung ano ang gusto niya, box-office hit o awards.

Ang tagal nag-isip ni Ibyang sabay sabing, “Siguro box-office para mabalik mo ‘yung trust ng producer, ‘yung nagtiwala sa ‘yo, gusto mong ibalik, di ba? Na parang ‘oy hindi tayo nagkamaling magtiwala kay Sylvia.’

“Pero minsan as an actor kailangan mo rin ‘yung fulfillment bilang artista kaya kailangan mo rin ‘yung trophy o award, pero hindi naman lahat ng bawa’t labas mo, kailangan mo ‘yun.

“Kung magaling ka, maibibigay naman sa ‘yo ‘yun (award), kung hindi, e, di hindi, ‘wag pilitin,” aniya pa.
Samantala, masaya si Sylvia sa narating ngayon ni Empoy Marquez na nakatrabaho niya sa “The Barker” na ipalalabas na sa Okt. 25.

“Nag-guest ako bilang nanay ni Empoy na puro katatawanan lang kasi pinakiusapan ako ni Dennis (Padilla, direktor ng movie). E, how can I say no to Dennis at co-actor ko sa La Luna Sangre e, kaibigan ko ‘yun. Sabi ko nga kay Empoy na natutuwa ako kasi hindi siya nagbago, walang ere.

“Si Dennis as a director, alam niya kung ano ang ginagawa niya, marunong siya, sana mag-aral pa siya kasi aminin natin kailangan niya ‘yun, kasi magaling siya at komedyante siya. Aminin natin ang mga komedyante magagaling karamihan sa kanila,” papuri ni Ibyang kay Dennis.

 

 

 

 

 

 

Read more...