NGAYONG idineklara na ni Pangulong Rodrigo Duterte na ligtas na ang mga naninirahan sa Marawi at tapos na ang giyera ay magbago na rin kaya ang tema ng kuwento ng Ang Probinsyano na pinagbibidahan ni Coco Martin?
Kung ano ang napapanahong kaganapan sa ating lipunan ang hapay ng istorya ng serye, dinidikitan nila ‘yun, kaya nagiging mukha ng ating pamayanan ang tinututukang serye ng ating mga kababayan.
Ano naman kaya ang isusunod na tema ng Ang Probinsyano ngayong tapos na raw ang digmaan sa Marawi? Tumutok na lang kaya ang serye sa mga katiwalian sa ating pamahalaan at sa mga pulitikong nag-aaway-away?
Kunsabagay, kahit ano pa sigurong paksa ang tutukan ng serye ay patuloy pa ring susubaybayan ‘yun ng mga Pinoy, nahawakan na kasi sa leeg ng serye ang ating mga kababayan dito at sa iba-ibang bansa man.
Nadadagdagan ang inis sa trapik ng ating mga kababayan dahil sa serye, kapag buhul-buhol ang trapik ay malamang na hindi na nila abutan ang Ang Probinsyano, kaya kaliwa’t kanang mura ang maririnig mula sa mga motorista.
Kami mismo ay hirap na hirap sa pagtutok kapag may laro ang Barangay Ginebra, hilung-hilo ang hawak naming remote control, kung nakapagsasalita lang ‘yun ay baka isinuplong na kami sa mga otoridad.
Iba ang karisma ng serye, bukod sa mga sikat na artista na ang mga bida ay magagaling pa sila, makatotohanan ang kanilang pagganap. Susubaybayan mo talaga ang Ang Probinsyano gabi-gabi, ayaw mong may makaligtas sa iyong paningin, matatalo ka kasi sa kuwentuhan kinabukasan kapag hindi ka nanood.
Siguradong nganga ka!