Meralco susubukan makatabla sa serye

Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
7 p.m. Barangay Ginebra vs Meralco Bolts
MATAPOS na mapatunayan na kaya nitong manalo laban sa Barangay Ginebra ay puntirya naman ng Meralco Bolts na maitabla sa 2-all ang kanilang best-of-seven series para sa kampeonato ng 2017 PBA Governors Cup.
Muling magtutuos ang Gin Kings at Bolts ganap na alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Tinambakan ng Ginebra ang Meralco sa Game One, 102-87, at nakaulit sa Game Two, 76-86.
Nakabawi naman ang Bolts sa Game Three Miyerkules ng gabi, 94-81, sa pangunguna nina two-time PBA Best Import awardee Allen Durham at Reynel Hugnatan
Si Durham ay kumulekta ng 38 puntos, 20 rebounds at 5 blocks para sa Meralco habang tumira naman ng 7-of-12 mula sa 3-point area si Hugnatan tungo sa pagtala ng 22 puntos sa Game Three.
Pinunan ni Hugnatan ang puwang ng pagkawala ni Ranidel de Ocampo na nagtamo ng injury sa Game Two at bahagyang naglaro sa Game Three bago lumabas ng playing court matapos makaramdam ng pananakit sa hita.
Sinubukan naman nina LA Tenorio at import Justin Brownlee na maagaw ang panalo para sa Ginebra pero kinapos ang Gin Kings sa huli.
Samantala, humingi ng paumanhin si Ginebra coach Tim Cone sa inasal niya sa mga huling sandali ng Game Three.

Tumanggi kasi ang two-time Grand Slam-winning coach na kamayan ang coach ng nanalong koponan na si Norman Black ng Meralco na nauwi sa sigawan.
Pero bago ito ay tinitigan ng matagal ni Cone ang Meralco bench dahil tumawag pa ito ng timeout may 38.1 segundo na lang ang natitira at malabo nang makahabol pa ang Gin Kings.
Sa pakiramdam ni Cone isa itong hindi pag-respeto sa kanya at sa kanyang koponan. Gayunman, inamin ni Cone na hindi tama ang kanyang inasal lalo na ang hindi pagkamay kay Black.

“I regret my actions after Game 3 ended,” sabi ni Cone sa isang statement.

“Yes, I was upset about the timeout that was called late in the game, but there is no one in the PBA that I respect more than Norman Black. I got caught up in the moment and could have handled it differently. I apologize, and will do so to him personally.”
Inanunsiyo rin ng liga kahapon na maaari nang makabili ng ticket para sa Game Five ng 2017 PBA Governors’ Cup Finals na gaganapin sa Philippine Arena sa Bulacan.
Ito ang ikatlong pagkakataon na maglalaro ang PBA sa pinakamalaking indoor arena sa mundo.
At kung kinakailangan ng Game Six at Game Seven ay sa Philippine Arena rin ito gaganapin.
Ito rin ang ikatlong pagkakataon na maglalaro ang Ginebra sa Philippine Arena.
Sa season opener ng 2014 season ay tinalo ng Gin Kings ang Talk ‘N Text at sa Christmas Day duel noong isang taon ay nanaig muli ang Gin Kings sa Star Hotshots.

Read more...