MATINDING challenge ang hinarap ni Elmo Magalona sa kauna-unahang pagbibida niya sa Maalaala Mo Kaya sa ABS-CBN hosted by Charo Santos.
Kahapon, nakachika ng ilang members ng entertainment press si Elmo at dito nga niya sinabi na kakaibang experience ang naranasan niya sa taping ng MMK at napakarami rin niyang natutunan dito.
Gagampanan ni Elmo ang isang binata na ginawa ang lahat para sa nakatatandang kapatid na polio victim na kailangang pasanin niya kahit saan ito magpunta. Para sa aktor , ito na ang pinakamatinding role na ginampanan niya dahil bukod sa challenge sa acting, hinamon din dito ang lakas ng kanyang katawan.
“Matagal ko nang gustong mag-MMK, and it wasn’t easy pala talaga. But I embraced the challenges. At nagpapasalamat ako sa buong production ng MMK dahil kahit napakahirap ng mga eksena namin, sulit naman. And sana magustuhan din ng viewers ang episode namin,” sey ni Elmo.
Sabi nga walang pasanin sa buhay na hindi kakayanin basta sama sama ang pamilya. Ito ang patotohanan ni Baning (Elmo) at kapatid na sina Nonoy (Yves Flores) at Bernadeth (Miles Ocampo).
Pinapasan sa likod nina Baning at Bernadeth ang kuya nilang may polio simula noong bata pa sila. Noon pa man ay hindi na nahirapan si Nonoy na tanggapin ang kalagayan dahil sa kanyang masiyahin at mapagmahal na pamilya.
Sandigan niya ang mga kapatid na walang sawa siyang pinagtulungan buhatin sa eskwela upang sabay-sabay silang magtapos ng pag-aaral.
Nagsimula lamang gumulo ang buhay nila nang biglang lumayo ang loob ni Bernadette sa dalawa. Pinili nitong sumama sa bagong kaibigan at iniwan ang responsibilidad na tulungan si Nonoy kay Baning.
Hindi naman siya pinabayaan ng kapatid na lalaki at tinulungan pa siyang makamit ang pangarap na kumanta sa eskwela.
Maayos pa rin naman ang pagsasama ng magkuya hanggang sa sila’y tumuntong ng kolehiyo. Gusto kasing kumuha ng Business Administration ni Nonoy habang Criminology naman ang gusto ni Baning. Ano kaya ang patutunguhan ng magkapatid? Simula na kaya ito ng kanilang paghihiwalay?
Makakasama rin sa MMK episode na ito sina Smokey Manaloto, Arlene Muhlach, Pinky Marquez, Crispin Pineda, Josh de Guzman, JB Agustin at Faye Alhambra, sa direksyon ni Dado Lumibao at sa panulat ni Benson Logronio.
Ang MMK ay pinamumunuan ng Business Unit Head na si Roda dela Cerna at Star Creatives COO na si Malou Santos. Abangan ang longest-running drama anthology sa Asya, ang MMK tuwing Sabado ng gabi sa ABS-CBN.