NAGPADALA ng email si JB sa Bantay OCW at nag-aalala ito sa sinabi ng asawa na hindi na umano siya makababalik sa abroad kapag nagbakasyon siya sa Pilipinas.
Anim na taon nang nagtatrabaho sa Saudi Arabia si JB. Sa loob ng anim na taon ay buong-buo at kumpletong ipinadadala raw niya sa asawa ang kaniyang sweldo.
Pinagkakasya na lamang ni JB ang kinikita sa kanyang sideline para sa personal niyang gastusin.
Ngayong nagbabalak magbakasyon sa Pilipinas si JB, sinabi ng asawa nitong hindi na siya makababalik ng Saudi sa sandaling magbakasyon dito.
Naghihinala umano ang asawa na may karelasyon ito doon.
Kaya tanong ni JB sa Bantay OCW kung may karapatan nga ba si misis na gawin iyon sa kanya?
May mga babaeng sadyang selosa. Napapraning ‘ika nga dahil wala sa kanilang piling ang kani-kanilang mga asawa.
Minsan madaling maniwala sa bawat balitang dumarating sa kanila.
Iba rin naman ang ni walang nabalitaan pero nag-aakusa sa asawa dahil may pakiramdam lamang itong niloloko siya o may kinalolokohan na itong iba.
Kaya ang balik na tanong natin kay JB kung may matibay bang dahilan ang asawa sa ibinibintang sa kaniya. At bakit niya binigyan ng dahilan si misis na magsuspetsa o mapagbintangan siyang nagloloko.
Alam nating hindi maaaring makasuhan ang isang Pilipino habang nasa ibayong dagat ito. Tangi lamang kung may mga paglabag ito sa batas sa bansang kinaroroonan ang siyang magpapangyaring papanagutin siya, puwedeng makulong o di kaya’y mapauwi nang wala sa panahon sa pamamagitan ng tinatawag na proseso ng deportation.
Ngunit kapag nakabalik na siya ng Pilipinas, saka lamang ito maaaring sampahan ng kaso. At totoo rin na maaaring hindi rin siya makaalis muli kung makapaglalabas ang Korte ng HDO o Hold Departure Order laban sa kaniya.
Kung wala namang katotohanan ang bintang ng asawa, walang dapat ipangamba si JB. Kahit ano pa ang ikaso sa kanya ni misis.
Ang malungkot nga lang kasi sa hukuman ng tao, mahirap patunayan ang katotohanan. Bukod pa diyan, madaling gumawa at magtahi-tahi ng mga kasinungalingan. Hindi rin kasi pupuwede sa korte ngayon ang pagtataglay ng basta malinis lamang na kunsensiya. Patunay o ebidensiya ang hinahanap nila.
Maaaring humanap din si JB ng mga taong makapagpapatunay na hindi nga totoo ang ibinibintang ng asawa. Mga taong pareho nilang nirerespeto at paniniwalaan nila ni misis.
Maaaring ibigay din sa amin ni JB ang pangalan ng asawa at kung saan namin siya maaaring makausap upang personal kaming mamagitan sa kanilang alitan. Alang-alang sa kapayapaan ng pamilyang ito!
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/susankbantayocw@yahoo.com