Taumbayan hostage ng jeepney drivers

CONGRATS sa Armed Forces sa pagkakapatay nila sa lider ng Abu Sayyaf na si Isnilon Hapilon at Maute terror group leader na si Omarkhayam Maute.

Ngayon ay talagang masasabi na malapit na ang pagtatapos ng gera sa Marawi City.

Dapat ay maging mabilisan ang rehabilitasyon ng siyudad at sana ay hindi matulad sa nangyari sa rehabilitasyon ng mga nasalanta ng bagyong Yolanda na hanggang ngayon ay hindi pa rin napapakinabangan ang malaking bahagi.

Sana lang din ay hindi magkatotoo ang kinatatakutan nina House committee on housing and urban development chair Albee Benitez at Eastern Samar Rep. Ben Evardone na makakuha ng proyekto sa rehabilitasyon ng Marawi ang mga humawak ng palpak na Yolanda project.

Nakakainis kasi na ang mga pribadong kumpanya na tumulong sa Yolanda victims ay nakapagpatayo kaagad ng pabahay at matagal na itong napakikinabangan samantalang “yung proyekto ng gobyerno na dapat ay mahigpit na binabantayan dahil pondo ng bayan ang ginagamit ay palpak.

Dapat din ay managot ang mga opisyal ng gobyerno na dapat nagbabantay kung tamang materyales ang ginagamit at hindi undersize na mga bakal at matabang na semento.

Baka naman magpalit lang ng pangalan ang mga palpak na contractor ay makakuha ulit ng project sa gobyerno ha? Wag ganun.

President Duterte please, alam kong marami kayong trabaho pero pakibantayan po para hindi magkahitot-hitot ang pagbangon ng Marawi.

Mas maganda ‘yung nababantayan sa umpisa pa lang ar hindi ‘yung nabubulaga tayo makalipas ang ilang taon ay wala palang nangyari sa proyekto at nasayang na naman ang pera ng bayan.

Magandang bagay na sinuspinde ng Malacanang ang pasok sa eskuwelahan at gobyerno noong Lunes at Martes para hindi mahirapan ang mga estudyante at kawani ng gobyerno na walang masasakyan.

Kaya lang, ang hindi maganda parang hostage ng mga driver at operator ang gobyerno at pasok sa eskuwela.

Para bang kung hindi bibiyahe ang mga jeepney ay hihinto na ang Pilipinas. Hindi na gagalaw ang gobyerno at hindi na makakapasok sa paaralan ang mga bata.

Dito makikita na dapat ayusin ng gobyerno ang mga mass transport system gaya ng MRT-irik para magkaroon ng alternatibong masasakyan ang mga pasahero.

Mistulang pag-amin na rin ng gobyerno sa pagsuspinde ng pasok na wala ng ibang paraan para makarating ka sa iyong pupuntahan.

Ang ipinagtataka ko lang, ang sabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na handa sila sa welga. E bakit kailangang magsuspinde ng pasok?

Sabi ng LTFRB ang transport strike noong Lunes ay hindi naging matagumpay, pero bakit sinuspinde pa rin ang pasok at klase kahapon?

Read more...