Joel Lamangan kina Barbie at Ken: Magagaling sila, hindi ko sila nasigawan!

BARBIE FORTEZA AT KEN CHAN

ANG ganda ng relasyon nina Ken Chan at Barbie Forteza bilang magka-loveteam. Kahit na hindi sila magkarelasyon sa tunay na buhay ay ramdam mo ang kilig sa kanilang tambalan.

Alam naman na ng lahat na may Jak Roberto na si Barbie at nali-link naman sa iba si Ken pero tanggap na tanggap pa rin sila ng kanilang fans kaya nga sinugalan talaga sila ng Regal Films at binigyan ng launching movie, ang “This Time I’ll Be Sweeter” directed by Joel Lamangan.

Close friends lang sina Ken at Barbie, iginagalang daw nila ang isa’t isa at walang magiging dahilan para maapektuhan ang kani-kanilang lovelife.

Sa totoo lang, ang akala talaga namin ay sila na dahil bukod sa maganda ang chemistry nila sa “This Time I’ll Be Sweeter” ay may kakaiba silang titigan na parang sila lang ang nagkakaintindihan.

Ang daming pumuri sa trailer ng “This Time I’ll Be Sweeter” dahil ang gagaling umarte nina Ken at Barbie bukod pa sa maganda ang texture ng pelikula kaya natanong pa si direk Joel kung sino ang kanyang cinematographer. Si Phillip So pala na unang beses din niyang nakatrabaho.

Nagandahan din kami sa trailer ng “TTIBS”, bukod kasi sa magagandang shots ay nagalingan kami sa akting nina Ken at Barbie.

Sabi nga ni direk Joel, “Mahusay na mga artista sila, I’m so proud lahat ng nandito wala akong itulak-kabigin at wala akong napagalitan, ito lamang ang pelikulang wala akong napagalitan, wala akong nasigawan.

“Hindi dahil takot sila kundi dahil mahuhusay sila, dahil prepared sila, dahil on time sila, walang nale-late. May respeto sila sa trabaho nila, may respeto sila sa propesyong pinili nila.

“Maaga pa lang, mahusay na ang training nila, nakikita natin ang isang magandang kinabukasan sa kanila sa industriya ng Pelikulang Pilipino,” aniya pa.

Mapapanood na ang “This Time I’ll Be Sweeter” sa Nob. 8 mula sa Regal Multi Media.

Makakasama rin dito sina Kim Rodriguez, Hiro Peralta, Fiona Yang, Kaki Ramirez, Akihiro Blanco, Jai Agpangan, Yayo Aguila, Neil Ryan Sese, Jon Leo, Rey Abellana at Ara Mina.

Read more...