Kim payag maging ‘Ghost Bride’ kapalit ng kayamanan: Para sa pamilya, gagawin ko!


PAPAYAG si Kim Chiu na maging ghost bride kapalit ng kayamanan.

Ayon kay Kim, hindi siya magdadalawang-isip na patulan ang magpakasal sa isang patay kung ito na lang ang paraan para matulungan ang kanyang pamilya at maiahon ang mga ito sa kahirapan.

Pero aniya, maswerte siya dahil nagbunga naman ang mga paghihirap niya bilang artista kaya naman nabigyan niya ng magandang buhay ang kanyang pamilya.

Kahapon sa grand presscon ng bagong horror movie ng Star Cinema, ang “Ghost Bride” na idinirek ni Chito Roño, diretsong sinabi ni Kim na handa siyang gawin ang lahat para sa kanyang pamilya kahit pa ang kapalit nito ay matinding sakripisyo.

Para sa hindi pa pamilyar sa konsepto ng ghost bride, isa itong matandang paniniwala ng mga Chinese kung saan ikinakasal ang isang babae sa taong namatay na kapalit ng malaking halaga ng pera.

Ang kapalit naman nito ay ang gampanan ang obligasyon at responsibilidad ng ghost bride sa kanyang magiging “asawa”. Paliwanag pa ni Kim, “Lahat ng ginagawa ng isang asawa kailangang magampanan mo bilang ghost bride, pati na rin sa kanyang pamilya. Kailangan lahat ng okasyon nandoon ka sa kanila, kailangan araw-araw dadalawin mo siya sa libingan niya at mag-aalay ka ng kung anu-ano,” ani Kim.

Dugtong pa ng dalaga, “Pero ang kapalit naman noon talagang malaking halaga, bukod sa isang bagsakang bayad sa ‘yo, may monthly pa. Pero kung anu-ano ang mga posibleng kapalit o kabayaran nito, ‘yan ang ipakikita namin sa movie.”

Samantala, naikuwento rin ni Kim na totoong sigaw at takot ang na-feel niya sa mga ginawa nilang eksena sa “The Ghost Bride.” “Grabe talaga, namaos ako sa katitili. Mayroon nga doon kubang multo, takot na takot ako. Galit na galit na si direk sa akin.”

Singit naman ni direk Chito Roño, “Inis na inis ako sa kanya kasi hindi pa ako nag-a-action, sumisigaw na siya. May mga ganyan si Kim, natatakot sa itsura. Pero nakatulong naman kasi natural na natural ‘yung takot na ipinakita niya sa movie.”

Si Kim talaga ang personal choice ni direk Chito para sa kanyang latest horror film, “Talagang para sa kanya ito. Noong nag-decide kami to make ‘Ghost Bride’ I’ve decided na she has to be somebody na historically galing sa Chinese family. Ang pangalan ni Kim ang lumabas. Not only it’s going to be easier kasi marunong siya mag-Chinese but it’s also going to be exciting kasi involved ‘yung heritage niya, mas mapi-feel niya ‘yung character na pino-portray niya.”

Sa isang panayam naman, naluha raw si Kim nang makita niya ang poster ng bago niyang pelikula, “Eto kasi ‘yung first time na sa akin talaga iikot ;yung story, tsaka doon sa poster ako lang mag-isa, wala akong kasama. Naiiyak ako!”

Sa pelikula, ipakikita kung paano isinasagawa ang kasal ng isang babae sa patay niyang groom. Dito rin iisa-isahin kung ano ang mga kamalasang posibleng maganap pagkatapos ng ghost wedding.

Saktung-sakto sa Undas ang pagpapalabas ng “Ghost Bride” kaya siguradong maraming manonood nito.
Showing na ang “The Ghost Bride” sa Nov. 1 nationwide. Makakasama rin dito sina Alice Dixson, Jerome Ponce, Matteo Guidicelli, Cacai Bautista, Christian Bables, Ina Raymundo, Beverly Salviejo, Isay Alvarez, Nanding Josef, Mon Confiado, Victor Silayan, Luz Fernandez at marami pang iba.

Read more...