Amit kampeon sa 9-ball event sa Korea

HINDI pa natatapos ang sunud-sunod na pagwawagi ng Pilipinang cue artist na si Rubilen Amit matapos na idagdag sa kanyang mga korona ngayong taon ang titulo ng 2017 Guri International 9-Ball Championships na ginanap sa Guri Sports Complex sa Guri City, South Korea nitong Oktubre 12-15.

Binalewala ng dating World 10-Ball Championship champion noong 2009 at 2013 na si Amit ang lahat ng nakatapat sa matira-matibay na single knockout stage na labanan upang pagreynahan ang 47 na iba pang kababaihan na kasali sa pinakaprestihiyosong torneo sa South Korea.

“Nagpapasalamat po ako sa Panginoon at binigyan po niya ako ulit ng pagkakataon maipakita ang talent ko,” sabi ni Amit sa pamamagitan ng kanyang Facebook page matapos na iuwi ang pinakamalaking premyo na 30,000,000 Korean Won o mahigit sa P1,360,000 premyo.

Ang kampeon sa men’s at women’s division ay tatanggap ng 30,000,000 KRW habang ang ikalawa ay 15,000,000 KRW. Ang ikatlo ay makakakuha ng 7,000,000 KRW habang ang 5th place ay tatanggap ng 3,000,000 KRW. Ang 9th place ay may 1,000,000 KRW habang ang 17th place ay may 600,000 KRW. Ang 32 katao na 33rd place ay may 300,000 KRW.

Tinalo naman ni Amit, na sariwa pa sa pagsungkit sa pilak na medalya sa 5th Asian Indoor and Martial Arts Games (AIMAG) sa Ashgabat, Turkmenistan, ang nakatapat na si Qiu Yue Ren ng China, 7-4, bago pinatalsik si Woo Jin Lee ng host country South Korea, 9-3.

Sunod nitong binigo si Amber Chen ng Taiwan, 9-1, sa quarterfinals bago itinakas ang na 9-8 panalo sa semifinals kontra sa hometown hero na si Eunji Park ng South Korea.

Ipinagpatuloy ni Amit ang kahusayan matapos dispatsahin sa dominanteng laro sa kampeonato si Wei Tzu Chien ng Taiwan, 9-2.

Una nang nagwagi ng medalyang pilak si Amit sa ginanap na 29th Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia kung saan nakatapat nito ang kababayan na si Chezka Centeno na inuwi ang ginto bago nagkasya muli sa pilak sa 5th AIMAG matapos mabigo sa kasalukuyang World #1 na si Chen Siming ng China.

Agad naman napatalsik sa torneo ang naging SEA Games gold medalist na si Centeno matapos na mabigo kontra sa dating world champion na si Kelly Fisher ng Great Britain, 5-9.

Read more...