Mga Laro sa Miyekules
(Mall of Asia Arena)
2 p.m. Adamson vs UE
4 p.m. NU vs Ateneo
Team Standings: Ateneo (8-0); DLSU (7-2); Adamson (5-3); FEU (5-4); UP (4-5); NU (3-5); UE (2-6); UST (0-9)
BINIGYAN ng defending champion De La Salle University Green Archers ng magandang birthday gift ang coach nito na si Aldin Ayo matapos nitong gantihan ang unang nagpalasap ng kabiguan sa koponan na University of Philippines Fighting Maroons sa pagtala ng 85-62 panalo sa UAAP Season 80 men’s basketball tournament Linggo sa Filoil Flying V Centre, San Juan City.
Isinelebra mismo ng mula Sorsogon City na si Ayo ang kanyang ika-40 kaarawan sa ikalawang sunod na panalo ng Green Archers sa second round at lalong patatagin ang pagkapit sa solong ikalawang puwesto sa kabuuang 7-2 panalo-talong kartada.
Una munang napag-iwanan ang La Salle sa simula ng laban sa 4-9 iskor bago nag-init sa paghulog ng 20-5 bomba para kapitan ang 24-14 abante sa pagtatapos ng unang yugto at hindi na nilingon pa ang Fighting Maroons kahit pa ilang beses na nagsagawa ng pag-ahon sa ikaapat na yugto.
Itinala ng La Salle ang pinakamalaki nitong abante sa 28 puntos, 60-32, may 5:39 sa ikatlong yugto, mula kay Sandy Santillan bago ilang beses na pinigilan ang paghahabol ng UP na nanatili sa ikalimang puwesto matapos na mahulog sa 4-5 karta.
Muli naman hindi pinuntahan ni Ayo ang post-game interview kung saan tanging ang mga assistant coaches nito ang humarap sa mga manunulat.
Pinamunuan muli ni Ben Mbala ang Green Archers sa tinipon na 27 puntos, 14 rebound, dalawang assist at tig-isa na steal at block habang nagdagdag si Ricci Rivero ng 20 puntos, tatlong rebound, dalawang assist at tatlong steal.
Samantala, pinanatili ng Far Eastern University Tamaraws ang pagkapit nito sa ikaapat na puwesto matapos ipalasap ang ikasiyam na kabiguan sa Univerisity of Santo Tomas Growling Tigers sa pag-uwi ng 96-70 panalo.
Napaangat ng Tamaraws ang kartada nito sa 5-4 habang lalong nahulog sa dulo ang Growling Tigers sa 0-9 karta.
Hindi man lamang nakatikim ng hamon ang Tamaraws kung saan itinala pa nito ang pinakamalaking abante na 36 puntos, 81-46, upang makabalikwas sa masaklap na 75-73 kabiguan kontra La Salle noong Miyerkules.
Hindi naman nakalaro sa Growling Tigers ang mga starter na sina Steve Akomo at Jordan Sta. Ana upang manatili na walang panalo sa nalalapit na matapos na eliminasyon ng torneo sa ilalim ng nasa ikalawang taon na coach na si Rodil “Boy” Sablan.
Pinamunuan ni Ken Tuffin ang atake ng Tamaraws sa tinipon na 14 puntos habang ang nagbabalik mula sa isang laro na suspensiyon na si Arvin Tolentino ay may 13 puntos, limang rebound at tatlong steal.