Nar Cabico humagulgol sa harap ni Jennylyn: Grabe siya sa akin!


HUMAGULGOL ang Kapuso singer-comedian na si Nar Cabico nang sabihin sa kanya ng kaibigang si Jennylyn Mercado na siya na ang magpo-produce ng kauna-unahan niyang kanta.

Pormal nang inilunsad ng multi-talented star ng GMA Artist Center ang kanyang first single na “GAGA” at available na ito sa mahigit 180 digital stores worldwide.

Nagsimulang magsulat ng mga awitin si Nar noong siya ay nasa high school at nang tumuntong sa edad na 21, mapalad siyang napabilang sa prestihiyosong Elements Songwriting Camp kung saan siya tinanghal na Favorite Songwriter sa kanyang batch.

Isa sa mga orihinal na komposisyon niya ay ang “GAGA” na para sa kanyang mga kaibigang nagpapaka-gaga sa pag-ibig. Ayon kay Nar, siya ang nagsisilbing takbuhan o hingahan ng kanyang mga kaibigan kapag may mga hugot ang mga ito sa kanilang lovelife.

“Marami kasi akong kaibigan na nagko-confide sa akin about love. Nakikita kasi nilang successful yung relationship ko kaya naman gusto nilang humihingi ng advice kung paano i-solve ang mga bagay.

“Sa akin sila lumalapit at ako ang nagsisilbing hingahan nila. And a lot of times sinasabihan ko sila, ‘Gaga, kagagahan lang ‘yan.’ Kaya ko sinulat itong ‘Gaga’ para isahan na lang,” pahayag ng magaling na singer-comedian na siya ring naging grand champion sa reality talent show ng GMA na Superstar Duets hosted by Jennylyn Mercado.

Kaya naman abot-langit ang pasasalamat ni Nar sa BFF na si Jennylyn dahil pumayag itong maging producer ng kanyang first single.

“Tumatambay lang kami sa bahay niya tapos nag-sound trip and then na-mention ko na gusto ko rin maglabas ng songs. Tapos nu’ng napakinggan niya, sabi niya, ‘Ako na. Ako na ‘yan. Ako nang bahala. Ipo-produce ko na ‘yang ‘Gaga.’

“Wala ka nang gagastusin, pumunta ka na sa studio. So, siyempre tuwang-tuwa ako, as in nag-iiyak na ako, as in hagulgol talaga, tapos umiyak na rin siya,” kuwento pa ni Nar.

Simula raw noon, marami nang gustong tumulong sa kanya, sa katunayan, pati raw ang boyfriend ni Jen na si Dennis Trillo ay interesado ring maging producer niya sa kanyang gagawing album.

Distributed by GMA Records, ang “GAGA” ay available na sa iTunes, Spotify, Amazon Music, Deezer at Google Play.

Samantala, ibinalita rin ni Nar na pansamantala, siya muna ang papalit kay Moy Ortiz bilang isa sa mga member ng The CompanY. Sa mga naka-schedule na show ng grupo ay si Nar muna ang makakasama habang nagpapagaling sa kanyang sakit si Moy.

“‘Yung years of rehearsals nila, I had to squeeze in 10 days. I learned Bacharach Medley. I learned Bohemian Rhapsody na hindi ‘yung typical kasi syempre, The CompanY sila, Asia’s premiere vocal group.

Ang dami kong inaral and si Sir Moy ‘yung track na ginawa ko. Kailangan ko ng Waze sa lalamunan para hindi ako maligaw. But I’m very happy because they were so happy. They felt solid,” ani Nar.

“Full circle siya because three years ago, nag-front act ako sa kanila. Now, hearing them giving all those words of affirmation in this very scary industry… importante siya, mahalaga siya for me para ‘yung stamina ko will last kung ano man ‘yung kaya kong ma-achieve,” kuwento pa ng proud LGBT member.

Hirit pa niya, “It’s amazing ‘coz pumayag sila to sing ‘Gaga.’ They’re also excited to do it. Sabi ko, ‘Oh my God, The CompanY singing this with me!’ So ako ngayon ginagawa ko ‘yung arrangement ng “Gaga,” knowing that the musical skills, ang CompanY ang gagawa. ‘Sige po, papahirapan ko po kayo, mga idols.’”

Read more...