ANG tagal-tagal na ng anekdotang ito pero palagi pa ring nabubuhay kapag nagkakasama-sama sa isang umpukan ang mga magkakatrabaho sa showbiz. Isang male personality ang bumibida sa istoryang ito.
Nu’ng una ay hindi pa kuno gaanong naniniwala ang mga production staff tungkol sa kakuriputan ng kanilang bida, pero dahil sa isang eksenang nasaksihan nila ay isa lang ang kanilang nasabi, totoo nga pala ang tsismis!
Kuwento ng isang miron sa kanyang pagpa-flashback, “Medyo gutom daw siya nu’ng dumating sa location. So, ang una niyang tinanong, e, kung may food na raw ba ang catering? E, pang-lunch ‘yun, wala pa siyempre, padating pa lang.
“Naku, tiniis niya talaga ang gutom niya, hinintay talaga niya ang pagkain ng catering, ibang klase nga pala ang kakuriputan ni ____ (pangalan ng sikat na male personality).
“Imagine, gutom na siya, pero kinaya pa rin niya ang lahat, dahil ayaw niyang humugot ng sarili niyang datung na pambili ng food niya!” tawa nang tawang kuwento ng aming source.
Nu’ng minsan namang magpabili siya ng kape sa isang utility ay nakita na naman ng production staff ang pagiging super-kuring ng male personality.
“Nagpabili siya ng coffee. Pagbalik ng pinabili niya, may sukling barya. Nakakalokah, talagang isa-isa niyang binilang ang barya, as in, talagang sinisigurado niya na tama ang isinukli sa utility!
“E, kulang ng beinte singko, nahulog siguro or something, pinababalik pa niya ang utility sa coffee shop, ipinakukuha niya ang twenty five centavos na kulang.
“Hindi man lang niya ikinonsider na naglakad nga lang ‘yung tao, hindi na namasahe, pagkatapos, e, paglalakarin niya na naman nang malayo?
“Ang ending, inabonohan na lang ng utility ang beinte singko sentimos na kulang! Para matapos na lang ang kuwento, para manahimik na lang ang guwapo pa namang lalaking ‘yun na hindi mapakali dahil sa sukli niyang kulang!
“Naku, Bradly Guevarra, Tita Nene Ulanday at Ching Bautista Silverio, totoong-totoo, mas makunat pa sa lagkitang gabi ang bumibida sa kuwentong ito!” pagtatapos ng aming source.