Mga Laro sa Martes
(Filoil Flying V Centre)
12 n.n. EAC vs Perpetual
2 p.m. Mapua vs Arellano
4 p.m. Letran vs St. Benilde
Team Standings: *Lyceum (17-0); *San Beda (16-1); *JRU (11-7); Letran (8-9); Arellano (8-9); San Sebastian (8-9); EAC (6-11); Perpetual Help (4-12); St. Benilde (4-13); Mapua (3-14)
* – semifinalists
ISANG panalo na lamang ang kailangan ng Lyceum of the Philippines University Pirates para sa una nitong pagtuntong sa kampeonato matapos panatiliin ang malinis nitong kartada sa ika-17 sunod na panalo sa pagbigo sa Jose Rizal University Heavy Bombers, 100-63, sa pinakatampok na laro ng NCAA Season 93 men’s basketball tournament Biyernes sa Filoil Flying V Centre.
Tinapatan ng Pirates sa tinipon nitong 17-0 panalo-talong record ngayong taon ang lahat na nakolekta nitong panalo noong Season 90, 91 at 92 na kabuuang 17 panalo at 37 talo upang itapak ang isang paa sa awtomatikong silya sa kauna-unahan nitong kampeonato sa liga sapul nang sumali anim na taon na ang nakalipas.
Itinala ng LPU ang season high nito sa puntos na eksaktong 100 habang idinagdag ang record na 67 rebounds at 29 fastbreak points.
Tanging hadlang na lamang sa Pirates para tumuntong sa kampeonato ay ang huli nitong makakaharap na nagtatanggol na kampeong San Beda sa Huwebes.
Mula sa mahigpit na unang hati kung saan may walong puntos lamang na abante ang Pirates ay tumikada ito sa ikatlong yugto kung saan lumayo ito sa 15 puntos na abante, 68-53, bago itinala ang pinakamalaking 37 puntos na losing margin para sa JRU Heavy Bombers.
Muling pinamunuan ni CJ Perez ang Pirates sa tinipong 24 puntos, walong rebound at tig-apat na assist at steal habang nag-ambag si Ralph Tansingco at Spencer Pretta ng tig-siyam na puntos para sa Lyceum.
Samantala, pinutol ng San Sebastian Stags ang tatlong sunod nitong kabiguan sa pagbigo sa Mapua Cardinals, 97-70, at panatiliing buhay ang tsansa para sa pinag-aagawang ikaapat na silya sa Final Four.
Nagtulong ang troika nina Jayson David, Alfren Gayosa at Alvin Capobres sa ikaapat na yugto upang tulungan ang Stags na makatabla sa ikaapat na silya kasalo ang Arellano Chiefs at Letran Knights sa 8-9 panalo-talong karta.
Posibleng masungkit ng Stags ang playoff para sa Final Four kung magagawang magwagi sa kanilang huling laro kontra University of Perpetual Help Altas sa huling araw ng elimination round sa Huwebes.
“We just have to keep the faith,” sabi ni San Sebastian coach Egay Macaraya.
Nagtala si David ng 24 puntos para sa Stags habang sina Gayosa at Capobres ay may idinagdag na 18 at 17 puntos sa pagpapalasap nito sa Cardinals ng ika-14 na kabiguan kontra tatlong panalo.
“Seeing him play every day, I think he’s the most consistent of my players. Barring injuries, he has a strong chance of making it to the PBA,” sabi ni Macaraya kay David.
Pinasikip naman ng nagtatanggol na kampeong San Beda Red Lions ang labanan para sa huling silya sa Final Four matapos nitong ilaglag ang Letran Knights sa tatlong koponang pagtatabla sa ikaapat hanggang ikaanim sa pagtala ng 73-68 panalo.
Iniangat ng Red Lions ang kartada sa 16-1 habang nahulog ang Knights sa 8-9 panalo-talong kartada kasalo ang Arellano at season host San Sebastian.