Alex ayaw nang gumawa ng romcom


TUNGKOL sa masalimuot na buhay ng mag-live in partners (sa loob ng pitong taon) ang bagong pelikula ni Alessandra de Rossi na “12” kasama ang aktor na si Ivan Padilla.

Dumaan sa iba’t ibang challenges ang mga karakter nina Alex at Ivan hanggang sa halos araw-araw na silang nag-aaway, nagsisigawan at nagtatalo kahit sa maliliit na bagay lang. Ang dapat daw abangan ng mga manonood kung nagkaroon ba ng happy ending ang pelikula o isang nakapanghihinayang na katapusan.

Kaya sa presscon ng “12” tinanong si Alex aktres kung ilang relasyon na niya ang kanyang pinanghinayangan.

“Ay pinanghinayangan ko silang lahat, ‘yung pag-ibig hindi ko pinanghihinayangan, ‘yung lover ang pinanghihinayangan ko,” tumawang sabi ng dalaga.

Bakit lover? “Wala lang, kasi ganu’n naman tayo kapag na in love, kasi love na love ko siya o gagawin ko lahat para sa kanya, lahat susundin ko, oo lang ako ng oo sa kanya kahit hindi ako naniniwala sa mga sinasabi niya para walang away, ganyan ang love, eh.

“Pero lahat ‘yun, everytime naman na nagmamahal tayo at may nawawalang parte ng sarili natin whether oras ‘yan, paniniwala natin, oras sa pamilya may nawawala talaga tuwing nagmamahal tayo, pero may nakukuha rin naman tayong kapalit.

“‘Yun nga ‘yung tanong dito, paano kung ikaw na lang ‘yung bigay nang bigay? Pero wala ka nang maibigay? Kumbaga sa cellphone, lowbat ka na? Hindi naman nare-replenish ‘yung binibigay mo, eh. So, ako ganu’n magmahal, ibibigay ko ang lahat, pasensiya ko, ibe-bend ko ‘yung paniniwala ko sa ‘yo, pero siyempre pag natapos ‘yun, ewww!

“Parang bakit ako pumayag? E, love mo eh, ganu’n talaga at wala naman sigurong masama. Worth it ba? Yes! Is the person worth it, no!” paliwanang ni Alex.

Baguhan sa local showbiz ang leading man ni Alessandra sa “12” na si Ivan Padilla at inamin niya na natagalan sila ni direk Dondon Santos na maghanap kung kanino babagay ang role kaya ang suhestiyon daw ng huli ay mag-post na siya sa social media o magpa-audition.

Inamin naman ni Ivan na talagang ipinaglaban siya ng leading lady niya para sa nasabing proyekto.
Dagdag ni Alex, “Sabi ko kasi kapag hindi si Ivan, hindi ko itutuloy ang project kasi puwede namang itapon na lang (ang script). Ha-hahaha!

“Nu’ng napagod na kasi kami ni direk Dondon na maghanap ng leading man, sabi niya, ‘gusto mo magpa-audition na tayo?’ Sabi ko, ‘game kahit baguhan, kahit turuan natin kung paano siya gawin kaysa kumuha tayo ng marunong na, hindi mo na ma-bend kasi galit na galit sa sarili niya kaya iyon na ang proseso niya, so parang nag-message siya (direk Dondon) sa Facebook.

“Ang daming sumagot, at mga artista talaga, sabi ko, ‘ayaw ko ‘yan!’ Tapos tinag siya (Ivan) ni Bianca Lapus. Tapos pinakita sa akin ang name niya, ginoogle ko tapos may isang eksena sa YouTube na naglalakad lang siya, parang umiiyak, sabi ko, ‘I found my actor.’ Eto na talaga siya. Hayun hindi naman nagkamali,” detalyadong kuwento ni Alex.

Samantala, pagkatapos ng presscom ay nabanggit ni Alessandra na ayaw naniya ng romantic comedy films dahil lahat na lang ito ang ginagawa.

“Ayaw ko na, gusto kong ibalik ‘yung dati na pang-MMK ang drama, or pang-Metro Manila Film Festival na ‘Hihintayin Kita Sa Langit’, of course malayo ‘to, wala ito sa langit, sa bahay lang kami (biro ng aktres).

“‘Yung ganu’n levels na hindi mo kailangang magpatawa o matatawa ka na lang kasi sasabihin mo na lang, ‘Ganyan na ganyan kami ng dyowa ko! Ganu’n,” say ng aktres.

Si Alessandra ang sumulat ng script, nagdirek ng music video at kumanta ng theme song ng “12” at inamin niyang gusto na rin niyang pasukin ang pagdidirek.

Mapapanood na ang “12” sa Nob. 8 mula sa Viva Films sa direksyon ni Dondon Santos.

Read more...