NASA spotlight na naman si Justice Secretary Vitaliano Aguirre dahil sa pagmamaliit niya ng P6.4 bilyon na shipment ng shabu na nakalusot sa Bureau of Customs.
Si Sen. Dick Gordon, isang administration ally, na chairman ng Senate blue ribbon committee, ang mismong pumupuna kay Aguirre.
“The secretary of justice has to do more in helping solve the problem of drugs. It was disheartening to note that, in the hearing of 19th September, he seemed to have given up on the case,” ani Gordon.
Ginoong Senador, dapat intindihin mo si Aguirre dahil hindi niya alam kung gaano kalaki ang P6.4 bilyon halaga na shipment.
Masyado siya kasing bobo.
***
Gaya ng karamihan sa mga abogado, hindi alam ni Aguirre na magbilang. Bobo siya sa mathematics.
Baka akala niya na ang pagkakaiba ng “bilyon” sa “milyon” ay spelling o ang unang letra ng dalawang kataga.
Kaya’t ang akala ni Mr. Aguirre ang P6.4 bilyon ay pareho lang sa P6.4 milyon.
Pero ang hindi alam ni Aguirre na kahit na P6.4 milyon ang halaga ng shabu shipment, pag nasa kalye na yan ay lolobo ang halaga niyan ng 100 beses.
***
At dahil hindi alam ni Aguirre na magbilang, maaaring binawasan niya ng P1,000 ang P50 milyon na dinilihensiya ng kanyang ka-brod sa fraternity sa isang Tsino.
Sina dating Deputy Immigration Commissioners Michael Robles at Al Argosino, na miyembro ng Lex Talionis ng San Beda College kung saan miyembro rin si Aguirre at President Digong, ay nakaiwas ng kasong plunder dahil nabawasan ng P1,000 ang P50 milyon.
Ang P50 milyon kasi ang pinakamababa na halaga na nanakawin ng isang taong gobiyerno upang siya ay makasuhan ng plunder.
Kaya’t ang kaso na isinampa kina Robles at Argosino ay graft o direct bribery na puedeng makapagpiyansa sa halip na plunder na walang piyansa.
Si Aguirre ang nag-recruit kina Robles at Argosino sa Bureau of Immigration, isang ahensiya ng Department of Justice (DOJ).
Akala kasi ni Aguirre ay mga bobo ang taumbayan na gaya niya.
***
Ilang insider ang nagsabi sa inyong lingkod na sina Robles at Argosino ay niligtas sa plunder dahil maaaring magsalita sila.
Kung hindi ninyo naiintindihan ang ibig kong sabihin, aba’y bobo ka rin.
***
Dapat ay tumingin-tingin naman si Pangulong Digong sa labas ng kanyang sirkulo ng mga classmates at schoolmates sa San Beda College of Law sa pagpili ng miyembro ng kanyang Gabinete.
Ilang Cabinet members ay matatawag natin na NPAs or non-peforming assets.
Hindi lang sila mga NPAs, sila’y mga liabilities din.
Opo, hindi po monopoly ng San Beda ang talents.
***
Para maging very efficient ang isang engine o makina dapat itong pahintuing umandar ng maikiling panahon upang mabigyan ito ng restful maintenance.
Ganoon din ang katawan ng tao, na maituturing na perfect engine.
Ang aking dalawang linggong bakasyon ay nagbigay sa akin ng kailangang pahinga at lumawak ang pananaw ko sa mga importanteng bagay o isyu.
Sa aking palagay ay dapat magbakasyon ang ating Pangulo ng kahit maikling panahon upang siya’y ma-relax.
Napansin ko na parang pagod na pagod si Digong.
Ang pagbakasyon ay makabubuti sa kanyang kalusugan at pag-iisip.
Pagkatapos ng maikling bakasyon ay manunumbalik ang kanyang kulay sa kanyang mukha.
Many years ago, matapos kaming magbakasyon sa Macau ng ilang araw ay na-relax si Digong at mas gumanda ang pagpapatakbo niya ng Davao City bilang mayor.
Pero dapat iwan niya ang gobyerno sa mga kamay ng responsableng Cabinet members gaya nina Benjamin Diokno o Jun Evasco.