PDEA nangako na walang EJKs

NANGAKO ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na walang mangyayaring extrajudicial killings (EJKs) matapos saluhin mula sa Philippine National Police (PNP) ang kampanya kontra ilegal na droga.

Ito’y matapos atasan ni Pangulong Duterte ang PDEA na siya na lamang ang magpatuloy ng gera kaugnay ng operasyon ng droga sa bansa.

Tiniyak ni PDEA Director General Aaron Aquino na mahigpit na ipapatupad ang mga batas sa harap naman ng alegasyon ng EJKs mula nang simulan ang kampanya ng gobyerno kontra droga.
“Sa amin wala naman talagang ganyan e. Wala naman talagang abuses. Kaya lang, dinadagdagan ko na lang ng ganyan para to have an assurance sa mga tao na very transparent ang PDEA,” sabi ni Aquino.
Tinanggal ni Duterte sa PNP ang pamumuno sa kampanya kontra droga matapos namang bumaba ang net at trust rating ng pangulo base sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS).
Sinabi ni Aquino na 28 suspek sa droga at 11 miyembro ng PDEA ang nasawi matapos simulan ang kampanya ng gobyerno kontra droga noong isang taon.
“I feel deeply that the 28 drug personalities that died since July up to present (in antidrug operations) being conducted by PDEA were all (results of) legitimate operations,” ayon pa kay Aquino.

Read more...