Sinong takot sa excise tax?

SA Enero, kung matatapos at maipapasa ng Kongreso ang kabuuan ng TRAIN o ang Tax Reform Program ng administrasyong Duterte, inaasahan na ipatutupad ang kinatatakutang excise tax sa mga sasakyang ibinebenta sa bansa.

Sa sobrang tindi ng propaganda kontra sa excise tax na ito, napakaraming mga balita ang nagsasabing magiging sobrang mahal ang mga kotse sa bansa na ang tatamaan ay ang ordinaryong mamamayan na gustong magkaroon ng sarili nilang sasakyan.

Pero talaga bang hindi na kakayanin bumili ng kotse ng ordinaryong tao kapag ipinatupad ang excise tax sa mga motor vehicles?

Siguro kailangan isipin muna natin ang ilang mga bagay. Isa na rito ang halaga ng pagtaas kontra sa klase ng sasakyan. Kung ang bibilhin na kotse ay may halagang P600,000 ay nasa 4% lang ang ipapataw na excise tax. Ibig sabihin ay P24,000 lang ang increase sa presyo ng kotse.

At dahil 80% ng Pilipinong bumibili ng kotse ay nagbabayad ng hulugan, ang itataas ng buwanang bayad, kung 5-years ang term ng bili ng kotse, ay P400 lang. So kung bibili ka ng Wigo, o Mirage, o Spark, ang dating P12,000/month na hulog mo sa dating presyo ay magiging P12,400 sa bagong presyo..

Kapag umabot sa P1,200,00 ang halaga ng kotseng bibilhin, ito ay may 12% na bagong excise tax. Ibig sabihin ay magkakaroon ng mga P144,000 na increase sa presyo niya, na kung susumahin sa 5-year term muli ay lalabas na P2,400 ang increase sa buwanang bayad. Ibig sabihin, kung bibili ka ng Inova o Urvan, ang dating P21,000 na buwanang hulog sa lumang presyo ay magiging P22,400 na.

Ang masakit ang epekto ng excise tax ay sa mga kotseng may presyong P5M pataas dahil mula 60% pataas na ang buwis nila sa bagong sistema. Ibig sabihin, kung bibili ka ng BMW 7-Series na may halagang P8M, sa bagong excise tax ay magiging P12.8M.

So ang tunay na apektado ng excise tax ay yung mga sobrang yaman, na hindi naman talaga mapapansin ang itinaas dahil kayang kaya nila ang monthly amortization increase.

So sino natatakot sa excise tax? Yung mga sobrang yaman lang yata.

Auto Trivia: Ang mga street vendors sa Metro Manila, sa totoo lang, ay isang indikasyon ng sitwasyon ng trapik. Dahil kapag maluwag ay wala sila pero kapag masikip ang daloy ay naglipana ang mga ito. So papaano natin malalaman ang sitwasyon ng trapik base sa mga street vendors? Eto ang aking sapantaha:

1. Walang Street Vendor – Maluwag ang trapik
2. Yosi at Sampaguita – Light ang trapik
3. Tubig at softdrinks – Moderate ang trapik
4. Mani, chicharon, prutas – Heavy ang trapik
5. Hanger stand, papag tulugan, fishing rods, laruan – parking lot ang kalye

Para sa komento at suhestiyon sumulat lamang sa irie.panganiban@gmail.com o sa inquirerbandera2016@gmail.com.

Read more...