Don Pepe, Alfie EJK?

TINALIKURAN ng Diyos ang nag-aapoy Niyang galit nang magsuot ng sako ang hari at naupo sa abo. Iyan ang Pagninilay sa Unang Pagbasa sa Ebanghelyo (Jon 3:1-10; Slm 130:1b-2, 3-4ab, 7-8; Lc 10:38-42) sa ika-27 linggo ng karaniwang panahon.

Ang nagpapakumbaba na lamang, nakalulungkot, ay ang mga taga-Aliaga, Nueva Ecija, na kahit minsan sa isang taon ay taumputik sa bukanliwayway. Si Digong at mga pinuno ay ayaw magpakumbaba, tuntunin ang pinagmulan: ang abo. Ang kayabangan, na mortal sin, ang tiket sa apoy.

Sina Don Pepe Oyson at Alfie Turado, 34, alyas Buddy, Budong at Lakay, ay pinatay ng mga pulis dahil “nanlaban.” Si Don Pepe ay napatay umano ng mga bata ng Alfredo Lim sa loob ng van. Si Alfie ay binaril ng mga pulis sa leeg at dibdib sa loob ng mobil ng QCPD. Si Oyson, sa droga; si Turado ay pumapasada ng van sa QC, pinagnanakawan ang pasaherong mga babae, ginagahasa, saka iniiwan sa madilim na ilang.

Walang sumigaw ng salvage, EJK. Pero, pumalakak ang taumbayan at mga biktima. Bagaman patay na si Alfie, marami pang babae ang nagtungo sa Karingal para ipatala ang pagnanakaw at panggagahasa ng hayok sa kanila. Sina Oyson at Turado ay hindi high sa droga. Ano’ng moralidad ang sinusundan?

Sa March 26-28 2017 survey ng SWS, ang kompanyang kakampi ni Noynoy Aquino, “78 percent of Filipinos are satisfied with President Rodrigo Duterte’s bloody war on illegal drugs, while 12 percent are dissatisfied. Thus there is a net satisfaction rating of 66 percent, classified as ‘very good.'” Nagbago dahil ay Kian? Statistically improbable, ayon sa mga siyentipiko.

Dahil sa pagiging abala ng mga parokya sa teritoryo ng Diocese of Novaliches, na nakasasakop sa North Caloocan, may pag-aaral sa EJK na hindi droga ang pinagmulan. Sa dalawang matataong barangay, nadiskubre ng mga pari na hindi sa droga nagsimula ang lahat, kundi sa alak. 10-anyos nagsisimula ang pagtikim at pag-inom ng alak. Dahil nagsimula sa alak, ang graduation ay sa shabu, hindi marijuana, na banayad ang amats.

Okey lang na naglilihi si Trillanes kay Digong. Lahat ng sira ulo (aba’y hindi kasama si Trillanes na senador) ay kaya ni Digong. Away? Di aatras si Digong. Ang malaking problema ni Trillanes ay isinama na niya sina Inday at Polong. Kilala ni Trillanes si Digong, dahil nilapitan nga niya ito para magprisinta na kandidato bise presidente. Pero ngayong idinamay na ang pamilya, lintik lang ang walang ganti, ‘ika nga.

Sa pagpanaw ni Hugh Hefner, isa sa aking depensa sa pagdinig sa Mandaluyong City Council kontra akusasyong bastos ang Bandera noon (Gokongwei pa) ay ang Playboy mag. Iyan din ang aking isinusog na depensa sa kasong obscene publication sa Lucena City RTC, sa mga huwes na Brion at Obnamia. Sa Mandaluyong, naging kakampi ng Bandera si Councilor Darius Razon. Sa Lucena, walang sumipot na naghabla. Ang mga manunulat na binansagan nilang bastos ay mga Palanca awardees: Jim Libiran, Dominador Mirasol, Lamberto Antonio.

Depensa: bastos ba ang Bandera na nakasampay sa mga newstands sa LuzViMin araw-araw? Tulad ng Playboy, bakit sinusundan ng mga mambabasa ang Bandera? Nasaan ang rapist na gumawa ng krimen pagkatapos magbasa ng Bandera (walang naiprisinta ang mga moralista sa Lucena)? Nagsampa ng kaso ang ilang taga-Davao City noong mayor pa si Digong. Sa piskalya pa lang, ibinasura na ang kaso sa dahilang: “…what is obscene today is no longer obscene tomorrow.” Hugh, huh?

Nang tawagin ni US President Trump na “pure evil” ang masaker sa Las Vegas, ibig kong purihin si Trump sa kabila ng tila dilawang batikos at panlalait sa kanya. Sampung taon na ang nakalilipas nang pag-aralan ko ang kilos ng demonyo dahil namangha ako sa chief exorcist na si Fr. Jocis Syquia, ang pinakamayang pari sa bansa, na nakatira sa North Forbes, Makati.

Bago pa man nanalo si Digong, isinulat ko na inangkin ng demonyo ang mayor ng Davao City dahil sa kanyang walang humpay na pagmumura at taglay na muhi araw at gabi. Ipinaliwanag ko sa aking unang naisulat ang obsession at possession ng demonyo. Pure evil?

PANALANGIN: Kinasusuklaman ang lahat ng kasalanan dahil sa takot na mawala ang kaharian ng langit, magtitika’t ikukumpisal ang lahat ng pagsuway. Dasal ng Pagsisisi.

MULA sa bayan (0916-5401958): Road construction ng Maguindanao Prov, from Buluan to Datu Paglas. Mag-isang taon na, di pa tapos. Perhuwisyo masyado. 4 lanes nga pero di magamit ng mga motorista dahil ginawang terminal at tindahan ng ukay-ukay. Sana maimbestigahan. Samuel P. Lopez.

Read more...