Mga Laro sa Sabado
(Smart Araneta Coliseum)
2 p.m. UE vs NU
4 p.m. Ateneo vs Adamsoin
DINUPLIKA ng nagtatanggol na kampeong De La Salle University ang pagpapalasap nito ng kabiguan sa Far Eastern University matapos itakas ang 75-73 panalo sa pagsisimula ng ikalawang round ng UAAP Season 80 men’s basketball Miyerkules sa Smart Araneta Coliseum.
Sinandigan ng La Salle sa ikaapat na yugto si Jolo Go na isinalpak ang magkasunod na tres upang ilayo ang Green Archers mula sa isang puntos na abante sa naging mahigpitan na laro, 64-63, patungo sa 70-65 na kalamangan na nagtulak dito sa ikaanim na panalo sa loob ng walong laro.
Pinamunuan ni Ricci Rivero ang La Salle sa itinalang 20 puntos, dalawang rebound, apat na assist at limang steal habang ang Season 79 MVP na si Ben Mbala ay may 18 puntos, 17 rebound, dalawang assist, isang steal at isang block kasunod si Go na may 14 puntos.
May pagkakataon pa sana ang Tamaraws na itulak sa dagdag na limang minuto ang laro subalit hindi nakuha ni Prince Orizu ang pasa mula sa inbound sa natitirang 0.2 segundo ng laro upang malasap ng FEU ang ikaapat na kabiguan sa loob ng walong laro.
Samantala, pinanatili ng University of the Philippines ang paghihirap ng University of Santo Tomas matapos nitong itakas ang 71-69 panalo sa unang laro.
Nagawang putulin ng Fighting Maroons ang tatlong sunod na kabiguan subalit bago lamang malampasan ang Growling Tigers na hawak ang pagkakataong manalo subalit hindi nagawang ipasok ang tangka nitong tres upang ibigay sa UP ang ikaapat nitong panalo sa loob ng walong laro.
Itinala ni Jan Jaboneta ang career high na 12 puntos tampok ang perpektong 4 for 4 sa 3-points habang tumulong sina Jun Manzo sa 11 puntos, Paul Desiderio na may 10 puntos, limang rebound at limang assist at Ibrahim Ouattara na may siyam na puntos, 11 rebounds at tatlong blocks.
Si Jaboneta ay mayroon 6 of 6 mula sa 3-point area ngayong season kabilang ang 4 of 4 sa UST na itinala ang ikatlong sunod na panalo sa Growling Tigers sa UAAP matapos mabigo ng 19 sunod noong Season 70 hanggang sa unang round ng Season 79.