Coco bagsak, lupaypay; pagod na pagod sa tuhugang trabaho sa pelikula at tv

COCO MARTIN

ISA ang direktor ng FPJ’s Ang Probinsyano na si Malu Sevilla sa nagtulak kay Coco Martin na magdirek na rin dahil naniniwala siyang hinog na ang aktor para sa bago nitong passion.

Nang makatsikahan namin sina direk Toto Natividad at direk Malu sa hallway ng ABS-CBN pagkatapos ng “Seven Sundays” presscon ay kinumusta namin si Coco.

“Hayun laging pagod pagdating sa set (AP), bagsak na, lulugo-lugo, hindi mo na makakuwentuhan nang matagal kasi laging nakayuko na,” sabi sa amin.

Inaasahan na namin ang ganitong senaryo, pagsabayin ba naman ni Coco ang taping ng serye sa shooting ng “Ang Panday” na kasali sa 2017 Metro Manila Film Festival.

Sabi ni direk Malu, “But I’m so happy for him kasi natupad na rin ‘yung gusto niya, actually I told him before, ‘Coco, it’s time for you to direct na kasi kayang-kaya mo na ang logistics at technical.”

“Sabi ko kay Coco, kaya na niyang magdirek, pero hindi ko naman sinabing akuin niya lahat. Imagine siya ang aktor, direktor at producer. Akalain mong sinagad niya agad, paanong hindi siya malulupaypay,” natatawang sagot sa amin ng FPJAP director.

Samantala, binati namin ang dalawang direktor sa taas ng rating ng FPJ’s Ang Probinsyano sabay tanong kung kailan babalik ng Maynila si Cardo Dalisay (Coco) dahil nami-miss na siya ng pamilya niya.

“Malapit na abangan ninyo,” kaswal na sagot ng direktora. “Ang dami kasing may gusto kay Coco sa rural,” sabi naman ni direk Toto.

Nag-eenjoy daw ang mga taga-probinsya sa episode ng Pulang Araw. Sa katunayan, maraming may gustong manatili si Sen. Lito Lapid sa serye at huwag daw sanang patayin ang karakter nito. Nabanggit din ni direk Toto na gusto ng viewers ang karakter ni Lito sa FPJAP.

“Bibilib ka ha, at his age, siya ang gumagawa ng stunts niya, wala siyang double, ayaw niya. Siya ang gumagawa ng routine. Kaya hats-off kaming lahat kay Senator,” masayang sabi ni direk Malu.

Higit sa lahat hindi sila nagkakaproblema kay Sen. Lito dahil laging maaga sa set at hindi nali-late at laging handa sa mga eksena.

Puring-puri rin ng dalawang direktor ng Dreamscape Entertainment ang anak ng senador na si Mark Lapid.

“Unang impression ko kasi kay Mark kasi politician din siya, mayabang, well aminin naman natin di ba, may ganu’ng dating si Mark?” saad ni direk Malu. “Pero sobrang mali ako, grabe napakabait niyang anak as in sobrang asikaso niya tatay niya.

“Si Mark ipinaghahain niya ang tatay niya. Sinasabi niya, ‘o ‘tay kain na po.’ At hindi aalis si Mark ng hindi sila sabay ng tatay niya. Minsan kasi tapos na eksena ni Mark, si Lito hindi pa, so hihintayin niya ‘yun at inaalalayan niya maski hindi naman kailangang alalayan kasi matikas at malakas pa naman si Senator.

“At pag break time, sasabihin ni Mark, ‘tay mag-reading (script) na po tayo.’ Hindi ba nakakatuwa kasi nakita namin na ganu’n pala ang samahan nilang mag-ama.”

Anyway, binibiro namin sina direk Malu at Toto na baka ma-extend ulit ang FPJ’s Ang Probinsyano na balitang magtatapos na sa Enero, 2018 dahil marami pang kuwentong puwedeng ikutin nito.

“Well, abangan natin, pero ang sabi nga sa amin, 2018,” saad ng lady director.

Read more...