Xander Ford sa lahat ng bashers: Lahat ng mga inaapi ay umaangat!

NANINIWALA ang internet at social media sensation na si Xander Ford na maiintindihan din siya ng kanyang mga bashers. Alam niyang hindi lahat ng tao ay mapi-please at mapapasaya niya.

Mula nang maging Xander Ford si Marlou Arizala ay mas lalo pa siyang nakilala, ngunit mas dumami rin ang kanyang haters. Kung anu-anong panlalait ang ibinabato sa kanya pero sey ng binata, kinakaya niyang tanggapin ang lahat ng mga ito.

Sa episode last Sunday ng Rated K, sinagot ni Xander ang tanong ng bayan: yumabang na nga ba siya? Ito ang tugon ng binata, “Sa karakter ko po kasi, kailangang maging mayabang tingnan. Yung feeling pogi, feeling cool kid, feeling mayaman, ganu’n. Kasi dumadami yung views, more on bash, more on views (mga ina-upload na video).”

Tanggap niya ang mga panlalait at pambabastos sa kanya ng mga netizen, “Sa akin, okay lang, e. Sa magulang ko, masakit yun. Sabi nga ng magulang ko, ‘Kung ano ka nung buhay, tatanggapin ka namin, kasi anak ka namin, e.'”

Narito naman ang mensahe ni Xander sa lahat ng mga nagagalit sa kanya, “Okay lang po kahit i-bash niyo po ako. Okay lang po kahit laitin niyo ako. Okay lang po kahit hindi niyo ako matanggap.

“Pero ito pong ginawa kong ‘to, para po ito sa inyo, para po sa mga magulang ko. Dahil po sa inyo, ginawa ko po itong pangarap ko. Ito pong pangarap ko, blessing po ito ng Panginoon. Dahil po sa mga tumulong sa akin, nagpapatunay lang po lahat ng inaapi po ay umaangat.”

Read more...