SA dinami-rami ng mga baguhang artista na posibleng sumunod sa yapak ni John Lloyd Cruz bilang isang magaling na aktor at pinagkakatiwalaang endorser, mukha ngang madali ring lilipas ang mga isyu sa kanya.
Bonggang-bongga ngayon ang karir ni Joshua Garcia sa bakuran ng ABS-CBN. Siya ang sinasabing nasa parehong linya ni Lloydie kung impact at natural na galing sa pag-arte ang pag-uusapan.
Sa gabi-gabi naming pagtutok sa husay niya sa seryeng The Good Son, hindi nga ito malayong mangyari lalo pa’t para siyang beterano na nakikipagsabayan sa husay nina Eula Valdez, Mylene Dizon, John Estrada, Albert Martinez, Liza Lorena at Ronnie Lazaro.
Sa bakuran naman ng GMA 7, prinsipeng-prinsipe na talaga si Alden Richards. Inihahalintulad din ang kanyang hitsura at galing sa pag-arte kay Lloydie kahit na sa mga product endorsements.
In short, mawala man o makabalik si Lloydie sa takdang panahon, meron at mero nang papalit sa kanyang puwesto.
Besides, Lloydie has done almost everything. Naabot na niya ang rurok ng tagumpay ng isang magaling na aktor at wala nang dapat patunayan pa.
He deserves to be happy at ito na siguro ang tamang panahon para asikasuhin naman niya ang kanyang personal na buhay.
q q q
On a lighter side, winner din ang peg ni Empoy Marquez.
Siya ang talagang may ambisyon na maging John Lloyd Cruz lalo pa’t kinabog ng movie niya ang kinita ng huling movie ni Lloydie with Sarah Geromino, nang magpang-abot ang mga ito sa takilya.
Sa latest movie niyang “The Barker”, leading man na leading man na nga ang peg at aura ni Empoy sa kanyang bagong ka-loveteam na si Shy Carlos.
First directorial job ito ni kaibigang Dennis Padilla, at dahil puno ng katatawanan at riot na mga eksena ang pelikula, malaki ang kumpiyansa ng mga producer nito na tatabo rin sa takilya ang “The Barker” tulad ng “Kita-Kita”.
“Hinog na siya. Hindi man niya maulit ang nagawa niya sa ‘Kita Kita’, tiyak na magugustuhan at tatangkilikin din siya sa The Barker. Maka-299 million lang, masaya na kami,” ang natatawa pang tsika ni direk Dennis Padilla.