Wish ng ilang Pinoy: Matalo sana si Mariel de Leon sa 2017 Miss International pageant

SIGURO, sa mga panahong ito, ay may kumastigo na sa anak nina Christopher de Leon at Sandy Andolong na si Mariel de Leon. Maraming kababayan na kasi natin ang hindi natutuwa sa mapaklang dila ng beauty queen.

Napakahilig niyang makisawsaw sa maraming isyu ng lipunan, bato siya nang bato nang maaanghang na salita, ang pinakahuli niyang pinakisawsawan ay ang usaping kinapalooban ng beteranong TV host na si Joey de Leon.

Burado na ang isyu. Ipinanghingi na ng tawad ni Joey de Leon sa publiko ang hindi kagandahan nitong sinabi tungkol sa usapin ng depresyon.

Pero hanggang ngayon ay may mga bumibira pa rin kay Mariel de Leon, masakit man ay meron pang mga kababayan nating nagkokomento na sana’y matalo siya sa pagbabaka-sakali niya sa Miss International pageant, para nakayuko siyang uuwi.

Hindi na raw kasi binibigyan ng pagpapahalaga ni Mariel ang magandang pangalan ng kanyang mga magulang na mula nu’n hanggang ngayon ay nananatiling simple at tahimik sa kanilang larangan.

Dapat lang namang mag-ingat sa kanyang mga sinasabi ang beauty queen na ito. Hindi sapat ang basta makapaglabas lang ng saloobin at opinyon, kailangang inaalala rin niya ang magiging epekto sa kanya nu’n, tulad ngayon na maraming naiinis sa kanya at nagsasabing maging “thank you, girl” sana siya sa pinaghahandaan niyang laban.

Read more...