800 estudyante nakinabang sa ABS-CBN Docu Caravan; na-inspire kay Jeff Canoy

MAHIGIT sa 800 mag-aaral ng komunikasyon ang nakakuha ng inspirasyon kung paano gumawa ng mga makabuluhang dokumentaryo sa pagbisita ng ABS-CBN Documentary Caravan noong Set. 20 at 27 sa UST at Holy Angel University.

Isang proyekto ng nangungunang media at entertainment company sa bansa, Knowledge Channel, at ng Philippine Association of Communication Educators Foundation, Inc. (PACE), tampok sa ABS-CBN Docu Caravan ang mga dokumentaryo ng Kapamilya Network at isang open forum kasama ang premyadong ABS-CBN News reporter at bagong Red Alert anchor na si Jeff Canoy at mga batikang producer ng ABS-CBN Docucentral.

Layunin ng proyekto na mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga mag-aaral sa pagbabahagi ng mga makabuluhang kwento sa pamamagitan ng mga dokumentaryo.

Kamakailan lang, umani ng papuri ang dokyu ni Jeff at ng kapwa reporter na si Chiara Zambrano na “Di Ka Pasisiil” tungkol sa kaguluhan sa Marawi. Bilin ni Jeff sa mga mag-aaral, na ibida ang kwento ng mga tao.

“Ayaw ng tao na manood ng nagsasalitang tao lamang. Gusto ng viewers na may iba pang nakikita. Ang maipapayo ko dapat laging mayroong aksyon o kaya emosyon sa mga video,” sabi pa niya.

Magandang preparasyon naman ang Docu Caravan sa mga mag-aaral na inanyayahan din ng ABS-CBN, Knowledge Channel, at PACE na sumali sa “Class Project: Intercollegiate Mini-Documentary Competition.”

Maaaring lumahok ang mga estudyateng mula sa mga paaralang mayroong miyembro ng PACE para sa tsansang manalo ng cash prizes at pagkakataon na maipakita ang nagawang dokumentaryo sa Knowledge Channel, na mapapanood sa SKYcable at ABS-CBN TVplus. Ang huling araw ng pagpasa ng entries ay sa Nob. 20, 2017. Itatanghal ang mga panalo sa “Pinoy Media Congress Year 12” sa 2018.

“Gusto naming pakinggan ang kwento ninyo at makita ang mga bagay mula sa inyong perspektibo,” sabi ng Knowledge Channel head Danie Sedilla-Cruz sa mga kalahok ng ABS-CBN Docu Caravan.

Pabaong paalala ni Jeff sa mga estudyante na laging isipin kung ano ang makakaantig sa puso ng manonood. “Hindi nakakalimot ang puso,” paliwanag ng Most Trusted TV Field Reporter” sa ginanap na Eastern Visayas State University 3rd Students’ Choice Mass Media Awards.

Samantala, nakatanggap din ang Knowledge Channel “Mathdali” host na si Robi Domingo ng isa pang sorpresa para sa kanyang kaarawan sa HAU, kung saan dumalo rin ang mga estudyante mula sa Asia Pacific College of Advanced Studies sa Bataan, Bulacan State University, Our Lady of Fatima University sa Pampanga, Pampanga State Agricultural University, Saint Mary’s Angels College of Pampanga, at Tarlac State University.

Sunod na pupuntahan ng ABS-CBN Documentary Caravan ang San Sebastian College. Para sa mga update tungkol sa ABS-CBN Docu Caravan, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, IG at Twitter.

Read more...