Mga Laro sa Miyerkules
(Araneta Coliseum)
2 p.m. UP vs UST
4 p.m. DLSU vs FEU
Team Standings: Ateneo (7-0); DLSU (5-2); Adamson (5-2); FEU (4-3)); NU (3-4); UP (3-4); UE (1-6); UST (0-7)
ISINALBA ni Matt Nieto sa kanyang krusyal na depensa sa natitirang 7.8 segundo at dalawang free throws ang Ateneo de Manila University Blue Eagles upang maungusan ang De La Salle University Green Archers, 76-75, at panatiliing malinis ang kartada sa pagtatapos ng first round elimination ng UAAP Season 80 men’s basketball tournament Linggo sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Ipinamalas ni Nieto ang kahusayan sa depensa ng kanyang tapikin ang bola sa inbound ng nagtatanggol na kampeong La Salle bago kinumpleto ang pagkontrol sa laro na nagtulak upang matawagan ito ng foul para maisalba ang natatanging malinis na kartada ng Ateneo.
Una nito ay naitala ng Blue Eagles ang pinakamalaki nitong 41-28 abante bago na lamang bumalikwas sa laro at magawang agawin ng Green Archers ang abante sa ikaapat na yugto sa 73-71 sa natitirang 3:14 ng laro mula sa follow-up ni Abu Tratter.
Nakuha muli ng Blue Eagles ang abante mula sa dalawang free throw ni Chibueze Ikeh at split sa linya ni Nieto sa huling 1:57 ng laro, 74-73.
Halos naibulsa ng Green Archers ang panalo matapos ipasok ni 2016 MVP Ben Mbala ang kanyang dalawang free throw mula sa foul ni Ikeh, 75-74, may 1:03 pa sa laro bago nakuha ang posesyon sa bola matapos mablangka ang tira ni Thirdy Ravena.
Gayunman, hindi naisagawa ng La Salle ang importanteng inbound matapos matapik ni Nieto ang bola at hindi rin nito nagawang makumpleto ang pagkapit sa bola na nakuha ni Nieto bago nabigyan ng foul ni Kib Montalbo sa huling 3.6 segundo ng laro.
Kalmadong ipinasok ni Nieto ang bola para itulak ang Blue Eagles sa abante, 76-75, bago pinigilan ang La Salle na sumablay sa huling tatlong segundo sa tira ni Mbala upang itala ang pinakamaganda nitong pagsisimula sa liga na pitong sunod na panalo.
Nahulog naman ang La Salle sa dalawang koponang nasa ikalawang puwesto kasalo ang Adamson University Soaring Falcons na may 5-2 panalo-talong kartada.
Samantala, pinutol ng National University Bulldogs ang tatlong sunod nitong kabiguan matapos ipalasap sa University of the Philippines Fighting Maroons ang ikaapat nitong kabiguan sa paghugot ng 77-70 panalo sa unang laro.